Halalan sa Mexico, Brazil sinablay ng Smartmatic
PINAHAHABLA at pinagmumulta ang Smartmatic dahil sa sinablay na halalan nu’ng Hunyo sa Tabasco state, Mexico. Pinasosoli rin ng election body ang naibayad nang 8.5 milyong Mexican pesos. Kasi nag-crash ang election system ng Smartmatic nu’ng araw ng halalan. Imbis na maglabas ng partial results tuwing 20 minuto mula 8 p.m. ng Hunyo 7 hanggang 8 a.m. ng Hunyo 8, nagloko ang transmission at canvassing. Una ito nakapaglabas ng resulta 1:17 a.m. ng Hunyo 8, at 2% lang. Inako na lang ng election body ang pagbibilang sa pamamagitan ng ibang sistema. Nu’ng 7:30 p.m. ng Hunyo 8, 45% lang ang natapos ng Smartmatic sa isang botohan, at 30% sa isa pa.
Parang Halalan 2013 sa Pilipinas ang naganap. Noon, 76% lang ng senatorial votes ang nabilang ng PCOS (precinct count optical scanners) ng Smartmatic. Hindi na-transmit at -canvass ang 26%. Ibig sabihin, milyon-milyon ang nawalang boto, sa karera na ilang sampung-libong boto lang ang pagitan ng mga kandidatong senador.
Ang kaibahan lang ng Pilipinas sa Mexico ay ito: Imbis na i-blacklist ng Comelec ang Smartmatic, binabalatuan pa ito ng bilyon-bilyong-pisong kontrata.
Ibinibintang din sa Smartmatic ang madayang presidential election sa Brazil nu’ng 2014. Una, itinalaga ng ruling Marxist party ang election lawyer nito bilang hepe ng dapat ay independiyenteng komisyon sa halalan. (Para itong pag-appoint kay Sixto Brillantes, election lawyer ni P-Noy, bilang chairman ng Comelec.) Kinontrata ng abogado ang Smartmatic para i-supply ang voting system at mga makina. Nu’ng araw ng halalan, Okt. 26, imbis na magsi-mula ang bilangan sa takdang 5 p.m., walang ginawa ang Smartmatic. Ang palusot ay dahil nagbibilangan pa umano hanggang 8 p.m. sa isang state, Acre. Tapos, dinoktor ng Smartmatic ang resulta.
Bibili ang Comelec ng 94,000 PCOS sa Smartmatic: P14.5 bilyon.
- Latest