‘Pekeng BITAG, BEN TULFO’
HINDI ko alam kung saan kumukuha ng kapal ng mukha at tibay ng sikmura itong mga nagpapanggap na BITAG at BEN TULFO.
Ginagamit ang pangalan ko para mangolekta at mangikil ng pera sa mga pobreng Juan at Juana Dela Cruz maging sa mga negosyante at iba’t ibang tanggapan mapa-gobyerno man o pribado.
Ang estilo, tumatawag at nakikipag-transaksyon sa telepono o ‘di naman kaya sa pamamagitan ng solicitation letter. Ikinukubli ang katarantaduhan at sasabihing ipadala nalang ang pera sa mga remittance company.
Hindi na bago ang modus na ito. Matagal na ako, si BEN TULFO na nagbibigay ng babala ukol dito subalit marami pa rin ang mga nabibiktima at naloloko.
Nito lang mga nakaraang araw, may nabiktima na naman ang nagpakilalang BEN TULFO na ang tunay raw na pangalan at ginagamit sa panloloko BENJAMIN TULFO JR. mula sa Palawan.
Tulad nang paulit-ulit kong sinasabi sa aking programa sa BITAG Live, sa BITAG at sa kolum na ito, hindi kami humihingi, nangongolekta o nagso-solicit ng pera.
Hindi ko rin estilo na humingi ng tulong o utusan ang mga staff ko sa aking kumpanyang BST TRI-MEDIA PRODUCTION na tumawag sa mga taong hindi ko kilala. Bilang lang ang mga tinatawagan kong pinagkakatiwalaang kaibigan na nakakausap ng harapan o face to face at eyeball to eyeball.
Marami na ang mga nakaabot sa aming tanggapan na hiningan ng pera ng mga nagpapakilalang BEN TULFO at BITAG.
May mga pobreng complainant mula sa iba’t ibang probinsya na pinangakuang aaksyunan agad ang kanilang reklamo at sumbong kung magpapadala ng pera at mayroon ding mga pulitiko na para sa akin, kaya kuntodo bigay din agad dahil may mga itinatagong baho.
Patuloy na babala ng BITAG sa Luzon, Visayas at Mindanao, huwag magpapaniwala sa mga tumatawag sa inyo sa telepono.
Tulad ng paulit-ulit kong sinasabi, sinuman ang lalapit sa inyo gamit ang pangalan ko o magpapakilalang anak ko o may kaugnayan sa akin at magkukubra ng pera personal ninyong papuntahin sa inyong tanggapan at maghanda na agad kayo ng BITAG.
May nakahandang pabuya ang BST TRI-MEDIA PRODUCTION sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng mga nagpapanggap at pekeng BITAG o pekeng BEN TULFO.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest