Semana Santa
Abril 1-4 ay Mahal na Araw
Mga katoliko ay dapat magbanal;
Obligasyon nila magbawas kasalanan
Gumawa ng mga ukol sa simbahan!
Panahon din itong dapat magsisi
Mga kandidatong ang budhi’y marumi,
Gusto ay makuha boto nang marami
Gayong mga puhuna’y kislap ng salapi!
Ang mga pamilyang away na nang away
Dapat nang ayusin ang kanilang buhay,
Mga ama’t ina na nagkahiwalay
Dapat nang buuin nasirang patnubay!
Dapat ding magsisi sa panahong ito
Mga mamamayang maitim ang buto,
Sa mga tahanan ay santo-santito
Subalit sa labas ay markang demonyo!
Bigyan ng biyaya kung ito ang kaya
O kaya’y pagtulong na pang-kaluluwa,
Tayo nga’y magdasal at saka umasa
Darating sa atin ang bagong umaga!
Tayo ay magtika tayo ay magdasal
Semanta santa na o mahal na araw,
Isang linggo itong dapat na magbanal
Ang lahat ng taong lalang ng Maykapal!
Tayo ay lumuhod sa harap ng diyos
Na taglay sa puso pag-ibig na taos,
Sa panahong ito tayo ay kumilos
Na ang mga dukha’y yakapin nang lubos!
- Latest

















