EDITORYAL – Bakit kulang ang mga baril?
ISINAULI na ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang mga baril na kinuha sa mga pinatay na Special Action Force (SAF) commandos. Pero nakapagtataka na 16 lamang ang isinukong mga baril. Nasaan ang iba pa? Hindi naman masabi ng Philippine National Police (PNP) kung ilan ang mga baril na kinuha sa mga napatay na SAF. Kabilang sa mga baril na isinuko ay 13 armalite rifles, dalawang M203 grenade launcher at isang light machine gun. Ginawa ang pagsusuko ng mga armas sa Camp Siongco Headquarters, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao noong Miyerkules sa harap nina Presidential Adviser on the Peace Process Sec. Teresita Deles, GPH peace negotiator Miriam Coronel-Ferrer at ni MILF chief negotiator Mohagher Iqbal.
Pero nang inspeksiyunin ang mga baril, hindi na raw orihinal ang ibang parte ng mga ito. May mga kulang din daw na bahagi ang mga armas. Tsinap-tsap na ang mga ito. Sabi naman ni Iqbal, kung mayroon pa raw natitirang mga armas ang SAF, hahanapin daw nila at ibabalik.
Ang pagsasauli ng mga armas ay hindi pa rin masasabing sapat na para ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan at muling pagtuunan ng pansin ang Bangsamoro Basic Law. Kung talagang sinsero ang MILF sa pakikipag-usap, bakit hindi isauli ang lahat nang baril? At bakit may mga binaklas na bahagi? At kung sinsero rin ang MILF sa pakipag-usap, bakit hindi pa rin ibinabalik ang mga personal na gamit ng mga pinatay na commandos gaya ng cell phone, uniporme, combat boots, at iba pa.
Patunayan ng MILF na gusto nilang matuloy ang pag-uusap at maisabatas ang BBL. Gumawa sila nang hakbang na magpapatunay na malinis o taos sa puso ang kanilang hangarin para makamit ang kapayapaan sa Mindanao. At ang pinakamaganda nilang magagawa, isuko ang nakatakas na teroristang si Usman na umano’y nagtatago sa kanilang nasasakupan.
- Latest