^

PSN Opinyon

‘Wait ka lang...’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

BUHAY na buhay siyang kumakaway sa mag-ina. Hindi man mahawakan, malayo man dahil nasa ibang panig ng mundo… parang malapit na rin.

Miyerkules pa lang nag-uumapaw na ang kaligayahan ni ‘Maritez’ dahil malapit na ang Biyernes kung saan makakausap na naman niya ang asawa sa papamagitan ng video call, skype.

“Tuwing Biyernes sila mag-‘skype’ ni Abel. Wala naman daw pinagbago ang kapatid ko sa 20 taon niyang pagtatrabaho sa Gitnang-Silangan,” ani ‘Malou’.

Sa pamamagitan ng ‘Skype’ isang social networking application kung saan maaari mong i-chat at i-video call ang iyong kausap, naiibsan ang pangungulila ng mag-inang taga Bacolod sa paglayo ng kanilang padre de pamilya. Si Noel “Abel” Malana, Overseas Filipino Worker (OFW) sa Dammam, Saudi Arabia.

Paubo-ubo habang kausap. Ganito ang sitwasyon ni Abel ng huling makausap ng misis na si Maritez at 12 anyos na anak.

“Sinabi raw ng hipag kong si Maritez na magpatingin na siya sa doktor. Sabi naman ni Abel, ‘Okay lang ako…’” pahayag ni Malou.

Nagsadya sa aming tanggapan si Marylou ‘Malou’ Malana-Sanchez, 63 anyos kasalukuyang residente ng Muntinlupa City. Ika-21 ng Desyembre 2014, tumawag si Maritez kay Malou. Sinabi nitong may kumausap sa kanyang isang Pinoy, si Allison Guitche, secretary daw ng manager ng kumpanya ng mister. Ang Baseelah Mechanical Works.

“Si Abel…ang asawa mo patay na!” sabi raw ni Allison kay Malou.

Tubong Sariyaya, Quezon ang pamilya Malana. Sampu silang magkakapatid. Si Malou ang panganay, bunso naman si Abel.

Kwento ni Malou, si Abel ang kaisa-isa nilang kapatid na nagtrabaho sa labas ng bansa. Taong 1988 pa ng magsimulang magtrabaho bilang laborer sa Saudi si Abel hanggang sa nitong huli naging duct fabricator siya.

Sa dedikasyon niya sa pagtatrabaho, matanda na siya ng nakapag-asawa. Nagpakasal siya kay Maritez nung taong 1999 sa Holy Sacrament Int’l Church.

Matagal din ang hinintay nila ni Maritez bago magkaanak.

Nagpabalik-balik ng Dammam si Abel. Nitong huli, buwan ng Pebrero 2013, nagbakasyon siya sa Pinas. Dumiretso ito sa Bacolod at dun namalagi ng dalawang buwan. Dumaan naman siya ng Quezon bago siya umalis.

Hindi madalas magka-text sina Malou at kapatid subalit tuwing kaarawan nila at may okasyon hindi raw ito pumapalya sa pagbati.

“Tuwing Biyernes naman daw sila nag-usap ni Maritez at anak nila.  Sa skype, sa pamamagitan ng video call,” kwento ni Malou.

Buwan ng Nobyembre 2014, ng mapansin daw ni Maritez ang panay na pag-ubo ng mister. Sinabihan niya magpatingin sa doktor subalit tumanggi ito.

Nagpatuloy ang pag-skype ng mag-ina hanggang ikalawang linggo ng Desyembre. Nitong huli, bigla na lang hindi na tumawag si Abel.

“Inisip ng hipag kong abala lang sa trabaho dahil magpapasko. Hinintay na lang niya mag-on line sa skype si Abel,” pahayag ni Malou.

Ika-21 ng Desyembre 2014, may isang tumawag kay Maritez na hindi rehistrado ang numero. Agad itong nagpakilalang si Allison. Ang sekretaryang Pinoy ng Manager ng Baseelah.

Bigla sinabi ni Allison na ang mister niya ay patay na. Ayaw maniwala ng misis sa narinig subalit hinayaan niyang ikwento ni Allison ang nangyari.

Aniya, nasabing araw bigla na lang pumunta ng banyo si Abel at dumaing sa mga kasamahang Pinoy na hindi niya malaman kung siya’y naiihi o nadudumi.

Agad na nagpunta si Abel sa opisina at nagsabing masama ang kanyang pakiramdam at kailangan niyang magpagtingin sa ospital. Mabilis naman siyang kinuha ng sasakyan at dinala sa pagamutan para mapasuri.

“Habang nasa sasakyan sila papunta ospital, nawalan ng malay si Abel. Pagdating dun, wala na siyang buhay… Dead on arrival daw,” wika ni Malou.

Hiniling niya sa misis na ipadala lahat ng dokumentong kailangan para mapauwi ang bangkay ng mister. Inayos ito ni Maritez at pinadala sa kumpan­ya. Sinabi ni Allison na katapusan ng Enero 2015 mauuwi na ang labi ni Abel.

Dahil si Allison ang Pinoy na may katungkulan sa kumpanya siya na ang naglakad ng mga dokumento ng kababayan.

Wala namang naging problema nung una kaya’t huling linggo ng Enero pumunta sa Bacolod sina Malou at tatlo pang kapatid para salubungin ang bangkay ng kapatid sa Bacolod, Silay Airport kung saan ito lalapag.

Dumating ang nakatakdang araw, hindi dumating si Abel. Ika-29 ng Enero 2015 nakausap nila si Allison at sinabi nitong nagkaroon ng problema sa nailagay na petsa ng pagkamatay ni Abel sa Death Certificate nito.

“January 01, 2015 daw ang inilagay pero December 21, 2014 namatay na ang kapatid ko. Sinabi na niya ito sa kasamahang Arabo na nagkamali raw sa pagsulat nito pero ang sabi, okay na yan,” ani Malou.

Alam ni Allison na magkakaroon ng problema kapag hinayaan niyang mali ang nasa death certificate ng kababayan kaya’t kinausap niya ang kanilang opisina at sinabing ayusin naman ang death certificate ni Abel.

Inutusan siyang siya ang maglakad dahil Pinoy din naman siya. Sumunod naman si Allison at nagsimulang ayusin ang dokumento subalit napansin niyang binabalewala na umano siya ng mga taga Baseelah Mechanical Works.

“Tumawag sa amin si Allison, hindi na raw niya kaya ito mag-isa at manghingi na kami ng tulong dahil hindi na siya pinapansin,” ani Malou.

Nagpunta na sina Malou sa Department of Foreign Affairs (DFA)-Bacolod at sinabi sa kanilang inaayos na ang exit-pass ni Abel.

Itinampok namin ang istorya ni Malou sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang pagkamatay ni Abel ay biglaan, maraming pwedeng dahilan kung bakit ganito ang nangyari. Isa lang ang malinaw dito, walang ‘foul play’ na nakikita ang mga awtoridad ng Dammam.

Para tulungan si Malou, in-email namin ang kanilang problema kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs.  Dahil mas malapit sa Riyadh ang Dammam at ang nakakasakop dito ay ang embahadang pinamumunuan ni Amb. Ezzedin Tago, ipinarating na ito sa kanyang ni Usec.Seguis.

Nakatanggap kami ang email galing kay Consul Winston Almeda ng Riyadh at sinabi nitong kinukumpleto na ang mga dokumentong kailangan para sa pagpapauwi ng labi ni Abel. Naiintindihan namin na sabik ang pamilya na makapiling itong si Abel para naman maihatid sa kanyang huling himlayan at bawat araw na nagdadaan mas lalong bumibigat naman ang kanilang kalooban subalit minamadali naman ito ng DFA para maging maayos na ang lahat at maibalik na siya dito. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038.

ABEL

ALLISON

LEFT

MALOU

MARITEZ

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with