EDITORYAL – Bitawan na si Purisima
NASA lambong na naman ng kontrobersiya si suspendidong PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima. At sa tuwing may kontrobersiya si Purisima, nadadawit ang pangalan ni President Aquino. Paano’y si Aquino ang naglagay sa puwesto kay Purisima. Malaki umano ang utang na loob ng Presidente kay Purisima noong nasa PSG pa ito.
Ngayong nauugnay na naman si Purisima sa panibagong kontrobersiya damay na naman ang Presidente. At matindi ngayon ang batikos. Inuugnay si Purisima sa ginawang pagsalakay ng Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, na naging dahilan para malagas ang 44 na miyembro. Huhulihin ng SAF ang dalawang terorista pero nakaengkuwentro ang MILF at BIFF. Brutal na pinatay ang 44 at isa lamang ang nakaligtas. Hindi nasaklolohan ang mga SAF dahil wala raw koordinasyon.
Naging malaking katanungan kung sino ang nag-utos sa SAF na salakayin ang pinagkukutaan ng mga terorista. Hindi naman si Acting PNP chief Dir. Gen. Leonardo Espina. At mas lalong hindi si DILG Sec. Mar Roxas.
Sinibak ang hepe ng SAF na si Director Getulio Napeñas makaraan ang palpak na police operation. Inako niya ang pagkakamali. Siya raw ang may responsibilidad sa nangyari. Pero kahapon, nagsalita muli si Napeñas at sinabing may kinalaman si Purisima sa operasyon. Si Purisima rin daw ang nag-utos na huwag sabihin kina Roxas at Espina ang “Operation Exodus” at ipaalam lamang kapag naroon na sa lugar ng operasyon. Nagrereport daw siya kay Purisima kahit suspendido ito dahil ito ang may intelligence information kay Marwan.
Maraming nananawagan na mag-resign na si Purisima o sibakin na siya ni Aquino. Isa si Sen. Grace Poe sa nagsabing mag-resign na siya sa puwesto. Maraming naniniwala na may kinalaman siya sa pagsalakay ng SAF. Kung wala siyang nalalaman, bakit hindi siya lumantad at pabulaanan ang bintang. Bakit hindi niya sinalubong sa Villamor Airbase ang 42 SAF members na napatay? Kung mayroon siyang delikadesa, dapat nagbitiw na siya.
Makinig din naman sa sentimiyento ng bayan ang Presidente at bitawan na si Purisima.
- Latest