Tao rin naman
SA Sri Lanka unang nagtungo si Pope Francis sa kanyang paglakbay sa Asya. Nang dumating siya roon, inabot daw ng isang oras ang kanyang paglakbay mula sa airport papasok ng siyudad, dahil na rin sa dami ng tao na sumalubong sa kanya. Kahit ang mayorya ng mananampalataya sa Sri Lanka ay Buddhist, minabuti nilang salubungin ang Santo Papa. Pero ang kanyang sinakyang “Popemobile” ay walang bubong, para makita nga siya ng lahat. Ang naging kabayaran lang ay nababad siya sa init. Kaya nang matapos ang kanyang unang talumpati sa nasabing bansa, tila nahapo. Kinansela ang nakatakdang miting kapiling ang mga obispo para magpahinga na muna. Si Pope Francis ay 78-anyos na kaya ang mahabang biyahe mula Roma, at ang mahabang biyahe sa ilalim ng mainit na araw mula sa airport ay nakaepekto sa kanya.
Si Pope Francis mismo ang humiling na huwag siyang ilagay sa isang sasakyang sarado, na “bulletproof” pa nga, tulad ng mga nakaraang Santo Papa. Gusto niyang makita siya ng mga tao, na gusto rin niyang makita. Pero kailangan isipin na rin ng mga awtoridad dito na puwede nga mapagod ang Santo Papa sa kanyang biyahe mula NAIA patungong Apostolic Nunciature. Alam ko ang gagamiting “Popemobile” dito ay may bubong, pero walang salamin na “bulletproof”. Mabuti na ang may bubong dahil may posibilidad na umulan. Sa hapon naman ang kanyang dating sa bansa kaya inaasahang hindi gaanong mainit ang panahon. Malamig din ang panahon ngayon, kaya mabuti ito para sa kanya.
Tuloy-tuloy naman ang panawagan sa lahat ng sasalubong sa Santo Papa na maging disiplinado, at sumunod sa mga patakarang inilatag ng mga otoridad. Tularan sana ang mga Koreano nang magtungo rin si Pope Francis sa Korea noong Agosto ng nakaraang taon. Ipinakita nila ang kanilang disiplina. Walang inilagay na mga harang na gawa sa bakal, konkreto o kung ano pa. Nilinyahan lang ng chalk ang kalsada, sapat na para sa mga Koreano. Walang lumampas sa nakaukit na linya ng chalk. Bilib naman ako sa kanila! Para na rin silang naglagay ng bakal na bakuran. Ganito rin sana kapag dumating na ang Santo Papa.
At para naman sa mga nag-usbungan na tarpaulin na bumati kay Pope Francis, pero minabuting ilagay nang bumati ang kanilang mga pangalan at larawan, na kasama pa ang pamilya, eh bahala na ang social media sa inyo at siguradong hindi maganda ang magiging reaksyon dito. Kung mga pulitiko ito, hindi siguro makakabuti ito sa kanilang imahe. Ang Vatican pa nga ang nagsabi na si Hesus ang iangat, at huwag si Pope Francis. Pero hindi pa rin makapigil itong mga ito. Hindi ba dapat tanggalin na lang?
- Latest