EDITORYAL – Masayang Pasko
MARAMING kalamidad ang tumatama sa bansa --- bagyo, lindol, baha, pagputok ng bulkan at iba pa at apektado ang pamumuhay nang mahihirap. Hanggang ngayon, marami pa ang hindi nakababangon sa pinsalang ginawa ng Bagyong Yolanda at kamakailan lang ay ang pananalanta ng Bagyong Ruby pero sa kabila ng mga ito, masaya pa rin ang Pasko para sa mga mahihirap. Nakangiti pa rin ang marami kahit na nakatira sa mga bunkhouses at mayroong nasa evacuation center. Masaya pa rin ang Pasko kahit nasa tagpi-tagping barungbarong na nasa tabi ng ilog, estero at mga kanal.
Sa latest survey ng Social Weather Stations na ginawa noong Nobyembre 27 hanggang Disyembre 1, lumabas na pito sa 10 Pilipino ang nag-e-expect nang masayang Pasko ngayong taon na ito. Mas marami ngayon ang umaasa na magiging maligaya ang Pasko kaysa noong 2013 na umabot lamang sa 62 percent ang nagsabing masaya ang kanilang Pasko.
Siguro mas lalong magiging masaya ang Pasko nang nakararami kung ang mga nasalanta ng bagyo at lindol ay magkakaroon na nang sariling bahay ay magkakaroon nang magandang hanapbuhay. Ang pagsasaayos ng kanilang tirahan ay malaking tulong para maging masaya ang kanilang Pasko. Ilan sa mga hiling ng mga nabiktima ng Yolanda ay sa kanilang sariling bahay na sila magdaos ng Pasko at hindi sa evacuation centers. Gusto raw nilang maranasan sa bagong bahay ang pagsasalu-salo sa noche buena kahit na hindi masarap ang handa.
Mas lalo rin namang magiging masaya ang Pasko ng mga mahihirap kung mararamdaman ang epekto nang pagbaba ng gasolina at diesel. Sunud-sunod ang pagbaba ng presyo ng petroleum pro-ducts pero mabagal naman ang pag-aksiyon ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Tanging ang pasahe lamang sa jeepney ang nag-rollback.
Magiging maligaya rin ang Pasko nang lahat kung mapuputol na ang red tape at corruption sa mga tanggapan ng pamahalaan. Kung wala nang mga corrupt, mababawasan na ang paghihirap ng taumbayan. Kung wala nang tiwali sa pamahalaan, lahat ay mararamdaman ang biyaya at magiging maligaya ang bawat Pasko sa bansang ito.
- Latest