Mga reklamo sa biktima ng Maserati driver
KAMAKAILAN ay binatikos ko ang driver ng Maserati Ghibly luxury car na si Joseph Russell Ingco, na nang-umbag ng isang traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority.
Kasunod nito’y naglitawan din ang mga taong galit sa enforcer na si Jurve Adriatico na anila’y “bastos at arogante”. Mayroong isang nagsabing hiningan siya ng P150 na pangkape matapos sitahin sa isang traffic violation. Marami ang nagsabing palamura ang enforcer at umaabuso sa kaunting hawak na kapangyarihan.
Nasabi ko tuloy sa sarili ko, “ipinagtanggol ko pa naman siya!” Pero napagkuro ko rin na kung mali ang ginawa ni Adriatico, lalong mali ang ginawa ni Ingco. Kinaladkad ang enforcer habang umaandar ang kotse at pinagbubuntal sa mukha!
Sasabihin marahil ng iba na ito’y outburst of emotion. Ngunit kung titimbangin mo ang situwasyon, kahit ikaw ay pagmumurahin nino man ay dapat kang magpakahinahon sa halip na maging marahas. Sabi nga ng kasabihan: “Stick and stones can break my bones but words alone won’t harm me.”
Parehong nagkamali ang dalawang ito at kapwa may pananagutan. Marahil, ang mailalapat kay Adriatico ay kasong administratibo pero mas mabigat ang kasong kriminal na puwedeng isampal kay Ingco. Sa ginawa kasi ng motorista na nagpatangay sa emosyon, posibleng napatay niya si Andriatico at kung nangyari ito, may mas malaking pananagutan siya sa batas.
Marahil, kahit si Ingco ay nagsisisi ngayon kung bakit siya naging marahas. Pero hindi maaaring gawing depensa sa hukuman na uminit ang ulo mo kaya mo nagawa yaon.
Sana naman, itong si MMDA Chair Francis Tolentino ay makapag-isip. Sa halip na ipagtanggol si Adriatico, imbestigahan din ang enforcer na ito. Sa dinami-dami ng mga taong naglabasan upang ireklamo siya, malamang ay may katotohanan ang mga inirereklamo laban sa kanya. Pati ang isa nating kabaro sa media na si Angel Gonong ay nagsabing biktima rin siya ng pagiging arogante ng enforcer na ito. Ako ay hindi pa nabibiktima ni Adriatico pero ng ibang traffic enforcers na kagaya niya ang ugali.
- Latest