EDITORYAL – Huwag nang tantanan ang Abu Sayyaf!
NASIMULAN na rin lang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagtugis sa mga bandidong Abu Sayyaf, ituluy-tuloy na ito at huwag nang tantanan. Puksain nang tuluyan. Huwag nang bigyan pa nang pagkakataon na makapag-recruit pa ng mga miyembro. Ipakita ng AFP na mas may lakas sila laban sa mga bandido na ang pangunahing layunin ay makapangidnap at pumugot ng ulo. Kung muling ititigil ng AFP ang pagtugis sa Sayyaf gaya ng mga ginawa sa nakaraan, muli na namang maghahasik ng lagim ang grupo at wala nang katapusan ang kanilang kasamaan sa bansang ito. Magkaroon sana nang matibay at tiyak na plano laban sa mga bandido ang AFP para masigurong mapuputol na ang mga ito kasama ang kanilang ugat. Kailangang simulan sa ugat ang pagpuksa para wala nang sisibol pa. Huwag nang mag-iwan kahit katiting na ugat na maaaring sumibol sa hinaharap.
Isang malaking dagok at kahihiyan na rin sa AFP na malagasan (na naman) ng mga sundalo. Laging sinasabi ng AFP na kakaunti na lamang (nasa 1,000 miyembro) ang Sayyaf at hindi na banta sa bansa pero bakit nalalagasan pa rin ang mga sundalo ng pamahalaan. Kung talagang wala nang kakayahan, bakit nakapagsasagawa pa ng pag-ambus at ang masaklap, pinupugutan pa nila ng ulo ang mga sundalo na kanilang napapatay.
Noong nakaraang Biyernes, limang sundalo ang napatay ng mga bandido sa nangyaring enkuwentro sa Jolo, Sulu. Sabi ng isang mataas na opisyal ng military, isang sundalo ang pinugutan ng ulo. Sabi pa ng opisyal, 10 Sayyaf ang napatay at 30 ang nasugatan. Kabilang daw sa napatay ang isa sa sub-leader ng Sayyaf na si Hairulah Asbang at ang bayaw ni Radulan Sahiron, mataas na leader ng Sayyaf. Natagpuan ang bangkay ni Asbang sa isang village.
Sabi naman ng isa pang military official, nagsanib daw ang tatlong grupo ng Sayyaf at nakaposisyon sa tatlong matataas na burol kaya napuruhan ang mga sundalo. Hindi raw kabisado ng mga sundalo ang daan sa bundok kaya naunahan ng kalaban.
Kung magagawa ng AFP, bakit hindi ang mga sundalong sanay sa bundok ang iharap sa mga bandido. Bakit hindi piliin ang mga sundalong lumaki sa bundok para tapatan ang mga mamamatay-taong Sayyaf.
- Latest