EDITORYAL - Mag-ingat sa mga ‘takaw-sunog’ na Christmas lights
ISA sa mga nagpapasaya sa panahon ng Pasko ay ang mga kumukutikutitap na Christmas lights. Masarap pagmasdan ang mga papalit-palit na ilaw. Mapapansin na kahit sa mga gigiray-giray na barungbarong ay may Christmas lights. Hindi kumpleto ang Pasko kapag walang papalit-palit at iba’t ibang kulay na Christmas lights.
Ang pagkahilig ng mga Pinoy sa Christmas lights ang sinasamantala ng mga negosyanteng gumagawa ng mga patakbuhing Christmas lights. Kikita sila nang limpak kapag naibenta ang kanilang mga kumukutitap na ilaw. Ipinagbebenta nila ito nang mura. Ang isang bungkos na Christmas lights na binubuo ng 50 lights ay P45 lang. Mayroong ibinibenta ito ng 3 for 100. Murang-mura!
At dahil mura, pinag-aagawan ang mga ito sa bangketa. Nakalatag sa sidewalk sa Recto, Divisoria, Rizal Avenue, Carriedo, Raon, Quiapo at ganundin sa Cubao at Baclaran. Iglap lang at ubos ang mga Christmas lights. Noong nakaraang taon na papalapit ang Pasko, maraming naganap na sunog sa Metro Manila. May nangyaring sunog sa Tondo, Pasay, Commonwealth, Caloocan at iba pang lugar. At ang pinagmulan ng sunog, mga depektibong Christmas lights. Nasunog ang mga wiring ng Christmas lights at doon nagsimula ang apoy. Nadilaan ang kurtina sa bintana at sa isang iglap naging impiyerno ang lugar. Maraming nadamay na mga bahay. Dahil sa depektibong Christmas lights, maraming nawalan ng tirahan at naging malungkot ang Pasko.
Depektibong Christmas lights din ang dahilan nang kamatayan ng anak na babae ni dating House Speaker Jose de Venecia noong 2004. Nasunog ang Christmas lights na nakasabit sa hagdan at nilamon ng apoy ang kabahayan. Nakulong ang anak ni De Venecia sa kanyang kuwarto.
Nararapat kumilos ang Department of Trade and Industry (DTI) para masamsam ang mga depektibong Christmas lights sa bangketa. Ipaalala sa mga tao na piliin ang mga Christmas lights na dumaan sa quality control at may ICC markings. Huwag isugal ang buhay sa mga mumurahing pailaw. Makakamura nga sa presyo subalit buhay naman ang kapalit kapag nagkaroon ng sunog.
- Latest