Shabu
MUKHANG nasisid ni acting MPD Director SSupt. Rolando Nana ang lihim ng District Anti-Illegal Drugs (DAID) na matagal nang namamayagpag at naglulungga sa loob ng MPD headquarters. Noong Sabado ng umaga palihim na sinalakay ni Nana kasama ang buong tropa ng District Intelligence Division (DID) at District Special Operation Unit (DSOU) ang “puguan” este opisina ng DAID. Walang sinayang na sandali ang raiding team ni Nana ng disarmahan ang 10 pulis at tungkabin ang mga locker ng mga ito. Doon tumambad ang bultu-bultong shabu at lipak-limpak na salapi na sa tantiya ni Nana ay galing sa mga binangketa ng mga pulis ni SInsp. Titoy Jay Cuden. Ewan ko lang kung kakutsaba dito si Cuden, hehehe! Kaya ang 10 pulis na inabutan ni Nana ay isasalang sa pre-charge evaluation unit at drug tests.
Nagpalakpakan ang mga pulis ng Manila’s Finest sa naging aksyon ni Nana dahil bukod tangi itong pagsa-lakay sa loob ng MPD headquarters. Halos gabi-gabi hindi magkandaugaga ang mga pulis na naka-assign sa main gate ng MPD sa paglabas-masok ng mga bisita ng DAID ngunit wala man lamang isinusumiteng report sa DTOC at sa media. Kaya ang mga mapanuring kapulisan ng MPD ay tumutulo ang laway sa mga bagong sasakyan ng mga taga-DAID at mga bisita, hehehe! May katuwiran si Nana sa pagsalakay ng DAID dahil napapanahon sa administrasyon ni Mayor Erap Estrada na laganap ang shabu sa lahat ng sulok ng Maynila. Diyan nga lamang sa Quiapo parang candy ang abutan ng shabu ngunit walang alam dito sina Supt. Aldrin Gran at Insp. Rommel Anicite. Sa halip kasi na aksyunan ang ibinulgar na abortion pills at bentahan ng shabu, aba’y ang pinagdiskitahan ni Gran ay ang reporter na nagtanong sa kanya kung ano ang kanyang naging aktibitis sa droga.
Gusto lamang yata ipakita ni Gran na “small but terrible” na siya sa puwesto at galit siya na batikusin sa kanyang pagkukulang laban sa laganap na bentahan ng droga. Di ba mga suki? Ang dapat dito kay Gran ay ipadala sa Mindanao upang mapakinabangan ang kanyang tapang sa pagsagupa sa Abu Sayyaf. Supt. Gran trabaho mong umaksyon sa reklamong ipinararating sa iyo at hindi ang pambubuska sa reporters dahil ang lahat ng puna sa iyo ay nanggagaling sa taga-Manileños. At bilang patunay sa banat sa iyo ay itong pagsalakay nina Nana at CDDS Supt. Gilbert Cruz kasama ang mga taga-Manila City Hall laban sa illegal vendors sa iyong nasasakupan. Patunay lamang ito na mas inuna mo ang iyong bulsa di ba? Kasi nga ang pagsulputan ng mga illegal vendors sa iyong nasasakupan ay hindi mo napagtuunan ng pansin kung kaya nasakop na nila ang mga kalye na hindi naman itinakda ng MCH. SSupt. Nana, huwag mong patagalin sa puwesto ang mga bugok at sakim sa “Datung” mong opisyales nang ang star ay maiputong na sa iyong balikat. Abangan!
- Latest




















