‘Manhid sa Pakiramdam’
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
TUYOT… walang lakas, namamanhid, nangangapal na’t hindi na pinagpapawisan. Ganito na ngayon ang mga palad ng Pinoy-DH na si ‘Beth’.
“Kaiis-is ng malaking kaldero namanhid na mga kamay ko,” ani Beth.
Si Maribeth ‘Beth’ Engracia, 33 taong gulang ay dating Domestic Helper (DH) sa bansang Malaysia. Pangalawang beses na itong alis ni Beth, pangalawang beses na rin niyang hindi natapos ang kanyang kontrata.
“Isang buwan lang ang tinagal ko. Binubugbog ako ng amo kong babae. Pinipisil ang braso ko sa sobrang galit. Ginugutom din ako,” kwento ni Beth sa naranasan niya nung punta sa ibang bansa.
Tubong Davao del Norte si Beth. Hiwalay siya sa asawang si Allan Engracia, Overseas Filipino Worker sa Qatar.
Taong 2008 pa raw hindi maganda ang relasyon ng dalawa. Nambabae umano itong si Allan dahilan para iwan siya ni Beth.
Napunta kay Beth ng kanilang bunso. Sa Davao sila namalagi. Dalawa naman nilang anak ang na kay Allan at bagong kinasama nito sa Taguig.
Taong 2009 nang magdesisyon si Beth na magtrabaho na rin sa ibang bansa. Pumunta siya sa PhilQuest International Management and Services Contractor para magtrabaho bilang DH sa Kuwait. Ang kita niya Php10,000 kada buwan.
Isang buwan lang ang tinagal niya rito dahil sa umano’y pambubugbog sa kanya ng among babae. Nagreklamo si Beth sa kanyang ahensya. Hindi siya nakatiis, tumakas siya, naglakad sa disyerto makarating lang sa embahada. Dalawang linggo makalipas nakauwi siya pabalik ng Pilipinas.
Tumigili na sa pagtatrabaho si Beth. Inalagaan na lang niya ang inang na-‘stroke’ sa Davao. May pension na natatanggap ang kanyang ina mula sa benepisyo ng namatay na asawa nito at kita sa pagtatahi ng school uniforms kaya’t kahit paano naitatawid nila ang kanilang pangangailangan.
Nang mag-21 taong gulang na ang isa niyang kapatid na babae at mag-7 taon na ang kanyang anak nagpasa muli ng aplikasyon si Beth sa Icarius International Agency, kahilera lang din ng dating ahensya niya.
Sa Malaysia ang punta ni Beth. Ang kita niya 1,200 Ringgit o katumbas na P16,000 kada buwan, sa loob ng dalawang taong kontrata.
Pebrero 2014, nakaalis ng bansa si Beth. Mag-asawang may isang anak na nasa edad 28 anyos na at nanay ng among babae na 86 anyos siya nanilbihan. Walang problema si Beth sa kanyang mga amo. Mababait daw ang mga ito.
Alas 5:00 ng umaga gigising siya para magpunas ng mga kasangkapan sa sala. Alas 8:30AM mag-aalmusal muna siya at saka aakyat sa taas para linisin ang tatlong kwarto. Pagsapit ng 10:00 AM, pupunta na siya sa kusina para magpakulo ng karne ng baboy at manok na may mga halong ugat at buto ng halaman.
“Tatlong oras mahigit kong papakuluan yun, tapos hahanguin at sasalain. Tapon ang karne, yung sabaw hihigupin nila para sa gabihan,” pagsasalarawan ni Beth.
Sa hapunan, buto-buto ng karne na nilagyan ng ‘spicy sauce’ naman ang kanyang hinahanda.
“Sa gabi lang sila nagkakasabay-sabay sa pagkain. Kasabay ko rin sila pero may sarili akong mesa sa kusina,” sabi ni Beth.
Agosto 18, 2014, wala pang isang buwang nakakapagtrabaho si Beth ng makaramdam siya ng pamamanhid sa kanyang mga braso hanggang kamay.
“Nangangapal ang pakiramdam ng kamay ko, wala rin akong pwersa. Manhid hanggang braso,” ayon kay Beth.
Sinabi niya ito agad sa among si Katherine Yong. Pinayuhan siyang i- ‘hot compress’ ang mga kamay. Inakala nilang baka nanibago lang ito sa pagtatrabaho subalit ilang araw na ang nagdaan, ‘di pa rin nagbabago ang pakiramdam nito.
Dinala siya ng Ms. Yong sa Dr. Siva Polyclinic and Surgery at pinatingin ang kamay sa doktor. Binigyan siya ng tatlong reseta ng gamot at isang bitamina.
Pansamantalang nawawala ang pamamanhid subalit bumalik din.
“Pain again?” tanong ni Ms. Yong. “Yes, ma’am…” sagot ni Beth.
Mabilis na hinatid si Beth ng kanyang amo sa kanyang ahensya, sa Agensi Pekerjaan Wawasan Jati nung ika-3 ng Setyembre 2014, para mas mapasuri siya. Binayaran din raw ng kanyang amo ang kanyang sahod sa loob ng sampung araw. Nagkakahalaga raw ito ng 650 Ringgit.
Kinausap siya ng staff sa Pekerjaan na si Amy Tiu, isang Chinese National. Sinabing umanong nasa kanila lang ang bayad ng amo at itatabi lang daw muna nila.
Muling pinasuri sa doktor ang kundisyon ni Beth. Sa Family Soo siya dinala ng agency. Ang diagnosis umano ng doktor, Tendonitis o pamamaga ng kanyang tendon (litid) dahilan ng pananakit ng kanyang braso.
Tatlong gamot ulit ang pinainom sa kanya subalit wala pa ring talab.
Sinabihan umano siya ng isang staff sa ahensya na si Catherine Ancheta na, “Nasa isip mo lang yan! Magtrabaho ka ulit!”
Wala naman nagawa ang agency dahil hindi talaga niya maikilos ng maayos ang mga kamay kaya’t ika-26 ng Setyembre 2014 pinabalik din siya sa Pinas. Umuwi raw si Beth na ‘di binibigay ang kanyang sahod at tanging P300 lang inabot sa kanyang pamasahe.
“Pinapirma nila ako sa isang dokumento. ‘Di ko alam kung ano yun. Matapos na lang pumirma na ako, makauwi lang,” ayon Beth.
Ika-7 ng Oktubre 2014, nagkita si Beth at ahente ng Icarius International Agency sa Cubao. Pina-medical daw siyang muli nito sa PDS Clinic.
“Binigyan nila ako ng P100 sabi niya balikan ko ang resulta. Nainis na ako kasi ang dating ako pa ang sinisisi na napauwi ako,” ani Beth.
Gustong malaman ni Beth kung may habol pa siya sa sahod na naibigay sa kanya kaya’t nagpunta siya sa amin. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, maliit na bagay kung titignan subalit pinaghirapan ni Beth ang ilang araw na pagtatrabaho sa Malaysia. Hindi gusto ni Beth na abutan ng sakit sa ibang bansa. Siya na mismo ang nagsabi na wala siyang problema sa trabaho at kung kaya lang niya tunuloy na niya ang isang taong kontrata. Bilang tulong inemail namin ng mga impormasyon ni Beth kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) para magawan ng paraan na makuha ang kayang sahod. Pinorward naman ito ni Usec. kay Ambassador Jose Eduardo Malaya III.Sa ngayon naghihintay na lang kami ng balita kung ano ang kalalabasan ng kahilingan nitong si Beth. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento
- Latest