EDITORYAL - Pinapatay sa sariling bansa
KAWAWA talaga ang kalagayan ng mga karaniwang Pilipino kapag hindi nirebisa ang Visiting Forces Agreement (VFA). Kapag hindi pa kumilos ang Senado para marebyu ang hayop na VFA, marami pang Pinoy ang mamamatay o aabusuhin ng mga hayok na Amerikanong sundalo. Masusundan pa ang nangyari sa transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude na pinatay ng US Marine na si Joseph Scott Pemberton. Natagpuang patay si Laude sa banyo ng motel na tinuluyan nila ni Pemberton noong Sabado. Nakasubsob ang mukha ni Laude sa inidoro.
Hindi karaniwan ang pamamaraan ng pagpatay na ginawa kay Laude na para bang galit na galit ang suspect. Bakit isinubsob pa ang mukha sa inidoro ng kawawang transgender na maraming umaasa sa buhay – kapatid, ina at mga pamangkin. Masyadong kalunus-lunos ang ginawang pagpatay kay Laude. Walang kalaban-laban ang mahinang transgender sa maskuladong sundalo na balewalang ipinagsaksakan ang mukha sa inidoro. Hindi tao ang gumawa nito. Magagawa lamang ang ganito kung sagad na sagad ang galit. At ano naman kayang dahilan at nagalit nang sagad ang Kanong sundalo para patayin ang Pinoy?
Hindi ito ang unang pagpatay ng mga Kanong sundalo sa mga kawawang Pinoy. May mga naiulat na noon pa subalit hindi lamang nabigyan ng atensiyon ng media at maaaring natakot ang mga biktima. Sino nga naman ba sila para pag-aksayahan ng panahon? Manahimik na lamang at ipagpasa-Diyos ang pang-aabuso ng mga sun-dalong Amerikano.
Noong 2005, ginahasa naman ng isang US Marine ang Pinay na si “Nicole” sa loob ng isang tumatakbong van. Napatunayang guilty ang sun-dalong si Daniel Smith pero makaraan ang isang taon ay napawalang-sala rin.
Ngayon ay kakaiba ang kaso. Pinatay na ang Pinoy. Pinatay sa sariling bansa ng hayok na Kano. Hindi dapat ipagwalambahala ang kasong ito. Kaila-ngang kumilos ang mga mambabatas para mabigyan ng hustisya ang pinatay. Rebyuhin ang VFA o alisin na ito para wala nang mga Amerikanong sundalong mang-aabuso sa mga kawawang Pilipino.
- Latest