Wanted Pilipino Moses
SI Rameses ang Pharaoh noong inilikas ni Moses ang 600,000 Israelites sa Egypt, ayon sa Exodo ng Lumang Tipan. Narinig ng Panginoon ang hinaing ng Israelites kaya inatasan Niya si Moses na ilikas ang mga ito. Hinawi ng Diyos ang Red Sea para makatawid ang Israelites.
Kung tutuusin meron na ngayong bagong Egypt at ito ang Pilipinas. Ngunit hindi lamang 600,000 ang mga inaapi at ginagawang alipin kundi 50 milyong Pilipino na bumubuo ng labor force ng ating bansa. Sampung milyon sa kanila ay mga alipin sa ibayong dagat; 13 milyon ay jobless; 18 milyon ay underemployed; milyon ang mga contractual o casuals sa shopping malls at sa mga tanggapan ng mga gobyerno na labag sa security of tenure clause ng Constitution; milyon pa ay mga magsasaka at mangingisda na hindi natutulungan ng gobyerno at marami pang iba.
Ang sanhi ng kahirapan ng mga manggagawa ay ang malawakang katiwalian sa bansa. Trilyones na pera na sa halip ay tinutustos para lumikha ng milyones na mga trabaho ay kinukurakot ng mga tiwaling pulitiko. Sila ang tinutukoy ko na mga bagong Rameses.
Mga Rameses din ang nagmamay-ari ng mga malalaking shopping malls na nagpapairal ng kontraktuwa-lisasyon.
Sino kaya ang magpapalikas sa 50 milyong naghihirap na mga manggagawa sa “Egypt” ng kahirapan na kina-lulugmukan nila ngayon?
Ipagdasal na lang natin sa Diyos na bigyan tayo ng karapat-dapat na maging Moses sa 2016. Mukhang hinahawi na ng Diyos ang mga tiwaling politiko na ibig maging Presidente sa 2016. Iba sa kanila ay nasa kulungan na. Ang iba naman ay nalantad na sa publiko ang labis na katiwalian o ang kawalan ng kakayahan na maging lider.
Parang ang mga tiwaling presidentiable ngayon ang nagmistulang Red Sea na hinawi ng Diyos para bigyang-daan ang tunay na lider na hindi pa natin alam kung sino, para itawid ang mga naghihirap na Pilipino sa mas magandang kinabukasan.
- Latest