Editoryal – Tapusin ang kalbaryo ng MRT commuters
KALBARYO ang dinaranas araw-araw ng mga sumasakay sa Metro Rail Transit. Sa umaga, dusa sa mahabang pila para makasakay sa siksikang tren at kapag nakasakay na, saka naman titirik habang nasa gitna ng biyahe. Pawang naghihimutok ang commuters. Wala silang magawa kundi ang bumaba at maglakad sa sunod na station habang tinutusta nang nagbabagang init ng araw ang kanilang balat. Kailangang makasakay sila sa panibagong tren para makahabol sa tanggapang pinagtatrabahuhan o school na pinag-aaralan. Walang magagawa kundi pagtiisan ang araw-araw nang kalbaryo.
Madalas ang aberya ng mga tren ng MRT ngayon. Tila kumalat na yata sa lahat ng tren ang depekto. Parang kinapitan na ng cancer na anumang oras ay matitigok ang natitira pang mga tren ng MRT.
Mula nang mag-overshoot sa EDSA-Taft Station noong nakaraang Agosto 13 ang isang tren ng MRT na ikinasugat nang maraming pasahero, nagkasunud-sunod na ang mga aberya. May pangyayari na bumukas ang pinto ng tren habang nasa gitna ng biyahe. Maraming nahintakutan sapagkat maaaring mahulog ang pasahero sa biglang pagbubukas ng pinto. May pangyayari na nag-panic ang mga pasahero sapagkat biglang may umusok sa isang bagon ng tren. Akala ng mga pasahero nasusunog na ang tren. May pangyayari na halos magkabukol-bukol ang mukha ng mga pasahero makaraang biglang magpreno ang drayber. May mga sumadsad na pasahero. May pangyayari pa na halos hindi makahakbang ang mga pasahero sa tren sapagkat napakataas ng flatform.
Noong nakaraang Huwebes, panibagong aberya na naman ang lumutang. Nadiskubre ang putol na riles makalampas ng Boni Station. Pa-south bound ang MRT dakong 7:45 ng umaga nang mapansin ang putol na riles. Naging dahilan iyon para itigil ang biyahe ng MRT patungong Taft. Ayon sa management, kapag dinaanan, baka madiskaril ang tren. Maraming pasahero ang nagmura dahil sa inis. Marami na naman sa kanila ang naatrasado sa pagpasok sa kanilang trabaho at maging sa school.
Tapusin ang kalbaryo ng mga pasahero. Tutukan ang problema. Mini-maintain pa ba ang MRT o pinababa-yaan na. Maawa naman sa mga pasahero ng MRT. Matagal na silang nagtitiis sa palpak na serbisyo.
- Latest