EDITORYAL - Dapat maging halimbawa
HINDI na kataka-taka ngayon kung bakit may mga pulis na gumagawa ng masama at naliligaw ng landas. Hindi na kataka-taka ngayon kung bakit masyadong mababa ang tingin ng mamamayan sa mga pulis. Hindi na kataka-taka ngayon kung bakit may mga pulis na hindi na pinahahalagahan ang kanilang organisasyon.
Wala na nga yatang pag-asa pang magkaroon nang pagbabago sa Philippine National Police (PNP). Sa halip na ipreserba at pangalagaan ang kanilang pangalan, lalo pa itong dinudumihan. Sa ganitong nangyayari sa PNP, kung anu-ano ang naiisip nang marami kung paano maibabalik ang paggalang sa pambansang pulisya. Kamakalawa, maraming kabataan ang na-recruit ng PNP. Isasa-ilalim sila sa pagsasanay sa loob ng anim na buwan bago tuluyang makapasok sa serbisyo. Mungkahi ng ilan, huwag daw ihalo ang mga bagong recruit sa mga dati na. Delikado raw na mahawa ang mga bagong recruit at lalong hindi na makaahon sa kumunoy ang PNP. Ihiwalay ang mga bagong itlog sa mga “bugok” na itlog. Masyado nang bulok at mabaho ang mga dating itlog. Umaalingasaw na sila sa sobrang kabulukan.
May katwiran naman ang mga nagmungkahi at dapat subukan. Baka ito na ang maging susi sa transpormasyon ng PNP. Nararapat nang magkaroon ng pagbabago sa PNP para naman makatikim ang mamamayan nang katiwasayan habang nasa labas ng kanilang tahanan. Kaliwa’t kanan ang krimen ngayon at walang aasahan sa PNP sapagkat sa ibang bagay sila nakatutok --- mayroong nagpapayaman sa sarili. Lantaran ang pang-aagaw ng cell phone, pagsalakay ng riding-in-tandem, pagpatay sa mga walang kalaban-laban na pasahero ng bus at dyipni at marami pang krimen. Zero ang police visibility. Nagkakaroon lang ng pulis sa kalye kapag inuupakan sa diyaryo at radyo ang pambansang pulisya.
Pero sabi ng hepe ng PNP, sa kabila ng mga batikos sa kanya, hindi siya magbibitiw sa puwesto. Ni-rate pa niya ang sarili na “9”. Hindi raw siya tatalikod sa tungkulin.
Inaakusahan ang hepe ng PNP ng corruption at pagtanggap ng suhol. Sa kabila niyan, ipinagtatanggol siya ng Presidente. Hindi na nga kataka-taka kung bakit may mga pulis na malakas ang loob ngayon.
- Latest