Tiwala si P-Noy kay tiwaling Abaya
BALEWALA ang tiwala ni President Noynoy Aquino kay Transport Sec. Joseph Emilio Abaya. Ang malinaw, walang tiwala ang mamamayan kay Abaya. Ito’y dahil, sa mata nila, tiwali siya.
Bistado ang raket ni Abaya sa Metro Rail Transit-3. Kinontrata niya para sa maintenance, $1.15 milyon kada buwan, Oct. 2012-Aug. 2013, ang PH Trams na pag-aari ng kumpareng si Marlo dela Cruz. Dalawang buwang gulang pa lang ang PH Trams at walang karanasan sa railways nang pagkalooban ng kabuuang P517.5 milyon, 848 ulit ang laki sa katiting na puhunang P625,000.
Kasosyo sa PH Trams si Arturo Soriano, tiyuhin ni noo’y-MRT-3 general manager Al S. Vitangcol. Naroon din sina Wilson de Vera, Manolo Maralit at asawa. Isiniwalat sina Dela Cruz, de Vera, at Maralit ng Czech ambassador nu’ng Apr. 2013 sa umano’y tangkang pangingikil para kay Vitangcol ng $30 milyon mula sa Czech train maker na Inekon Corp. Pinatunayan ng Inekon CEO ang mga naganap nu’ng July 2012.
Dahil sa exposé, ipinalit sa PH Trams bilang maintenance ng MRT-3 ang Global Inc., $1.4 milyon kada buwan hanggang Sept. 4, 2014. Ang “authorized representative nito ay si kumpareng Marlo dela Cruz pa rin. At ie-extend pa ang kontrata nito nang tatlong taon, $50.4 milyon (P2.268 bilyon) -- walang public bidding. Hangal lang ang magtitiwala sa tiwali.
* * *
Ika-46 na anibersaryo ng kapatirang Sigma Kappa Pi bukas, Aug. 30. Magdaraos sa Intramuros, Manila, ng sports fest, national congress, at fellowship ball -- sa temang “Palawakin ang Kapatiran, Isulong ang mga Adhikain.” Inaanyayahan lahat ng EKIT na dumalo. Para sa detalyes: Danny Co, (0917) 3591957; Bing Villarta, (0915) 8716762, (0949) 7752011; Jojo Salas, (0915) 3257181, (0918) 9016551; Mike Mabutol, (0920) 9380118. Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest