‘Traffic band-aid solution’
BILYONES ang nawawala sa ekonomiya ng bansa araw-araw dahil sa palala ng palalang problema sa trapiko.
Sa taong 2012 lang, tinataya ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na P2.4 bilyong piso ang nasayang sa lansangan. Kung susumahin sa taong 2030, aabot daw ito sa P6 bilyong piso.
Ito yung mga gasolinang nasunog lang habang nakatengga ang mga sasakyan sa mistulang mga parking lot na lansangan partikular tuwing rush hour at umuulan, epekto sa kalusugan at pagkasira ng kalikasan.
Malaki rin ang epekto sa produksyon ng iba’t ibang sektor ng industriya dahil ang mga empleyado, naiipit sa matinding trapiko.
Ang siste, may ganito na ngang matagal ng proble-ma sa bansa, nagpapataasan pa ng pilantik ng ihi ang pamahalaang nasyunal at lokal.
Nagbabangayan at nagsasalungatan ang parehong hepe ng Metropolitan Manila Development Authority Chairman Francis Tolentino at Land Transportation Franchising and Regulatory Board hinggil sa pagbibigay ng LTFRB ng provisional authority sa mga kolorum na trak at bus para makapasok ulit sa Metro Manila.
Ang naiipit, mga motorista, nagsisikap na mga empleyado, taumbayan at ang buong komersyo.
Naninindigan ang MMDA at mga lokal na pamahalaan na huhulihin nila at hindi kikilalanin ang provisional autho-rity na inisyu sa mga kolorum.
Subalit, dahil nasa estadong legal na pag-iisip pa siguro si Ginez at baka pakiramdam niya nasa impeachment trial pa rin siya ni dating Chief Justice Renato Corona, sa halip na ipatupad niya ang batas, inuudyok niya pa ang mga operator na magdemanda at magsampa ng kaso laban sa mga manghuhuli sa kanila.
Tatlong sunod-sunod na araw ko ng tinatalakay sa BITAG Live ang isyung ito na hindi nakikita ng mga economic manager na nagpapalamig lang sa kanilang mga air-conditioned office. Kaya naman kung ano-anong band-aid solution nalang ang kanilang inilalatag.
Kapag hindi naresolba ang lumalalang problema sa trapiko dahil sa kanilang mga mabababaw at maiiksing pananaw, asahan nang mas lalaki pa ang bilyones na perang mawawala sa ekonomiya.
Ang nakikita at nararamdaman nating problema sa lansangan ay “snap shot” lamang ng mga kalbaryo at perwisyo na ating mararanasan sa mga susunod pang mga taon at buwan.
Tulad ng lagi kong sinasabi sa aking programa, lansangan ang repleksyon ng mga namumuno sa isang bansa. Kung nagkakawindang-windang, magulo, walang sistema at walang kaayusan, sumasalamin lang ito sa mga nakaupo sa pamahalaan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest
















