Usaping coup na naman
ITO ang bunga nang napakaraming coup na pinagdaanan ng bansang ito mula 1986. Matalas ang ating mga mata at pandinig sa mga balitang coup d’etat. Sa madaling salita, naging praning tayong lahat. Namataan ang ilang trak ng militar at ilang armored personnel carrier (APC) na bumabaybay ng EDSA sa mga nakaraang araw. Agad sumiklab ang social media sa mga nakitang pagkilos ng militar. May naunang pahayag din kasi si Sen. Antonio Trillanes, dating sundalo at kasapi sa ilang pagtangkang agawin din ang kapangyarihan mula sa gobyerno, ang nagbabala na may nagbabad-yang destabilisasyon, na pinamumunuan umano ng mga retiradong heneral na malapit kay dating President Gloria Arroyo. Ito rin ang pahayag ng mambabatas ng Magdalo party-list group.
Pero itinanggi naman ito ng tagapagsalita ng AFP. Inililipat lang daw ng mga trak ang mga hindi na magamit na armas sa takdang lugar, at kaya may APC na escort dahil sa sensitibong dala ng mga ito. Pinabulaanan din ni retired Gen. Hermogenes Esperon na dating AFP Chief of Staff sa ilalim ni Arroyo. Wala raw, nagkakalat lang daw ng maling balita. Ayon sa dating ginoo, namumulitika lang daw si Trillanes. Ganun pa man, binigyan ng pansin ng mamamayan, dahil nga sa hindi na rin bago ang mga ganitong klaseng gulo sa bansa. Naninindigan pa rin sina Trillanes at ang Magdalo group sa kanilang nakalap na impormasyon. May nagsasabi na kaya raw naging emosyonal si President Aquino at nagbanggit na kahit kailan ay puwede siyang mawala sa katatapos na SONA ay dahil may mga banta nga sa kanyang buhay at pagtangkang manggulo sa bansa.
Siyempre ang mamamayan ang nasa dilim kung totoo nga ang mga balitang ito o hindi. Nasa gobyerno na kung paano nila haharapin ang anumang banta sa administrasyong Aquino, totoo man o hindi. Inaasahan natin na ang AFP ay hindi magiging kampante, at ipagtatanggol ang republika ayon sa kanilang sinumpaang tungkulin. Mawawala na naman ang lahat ng nagawang mabuti ng administrayong ito kung magkakaroon muli ng gulo, tulad ng mga naganap sa ilalim ni President Corazon Aquino. Halos tumigil ang bansa ng ilang taon dahil sa sunod-sunod na gulo. Walang gustong mangyari ulit iyan, maliban siguro sa mga gustong mabigo si President Aquino sa kanyang mga sinimulang reporma, para maibalik muli ang mga “maliligayang araw” nila.
- Latest