Power sector dapat tinustusan ng DAP
MASUSI raw pinag-aaralan ng Malacañang ang proposal ni Energy Sec. Jericho Petilla na bigyan ng emergency power ang Pangulo upang masolusyunan ang nagbabantang kakulangan ng elektrisidad sa bansa.
Malamang daw na magkaroon ng kakulangang 200 megawatt ng elektrisidad sa bansa sa 2015. Pinatikim na tayo ng ganyang scenario kasunod ng bagyong Glenda nang magkaroon ng rotating brownout sa bansa.
Kung may emergency power ang Pangulo na aprobado ng Kongreso, malaya siyang makipagtransaksyon sa pagtatayo ng mga proyektong pang-elektrisidad. Hindi na dadaan sa public bidding ang ano mang pagpasok sa mga kontrata kaugnay nito.
Ngunit, bakit ngayon lang sumulpot ang problemang ito? Wala bang foresight ang administrasyon nang unang maluklok sa poder para malaman ang paparating na krisis? Sana, noong hindi pa kinukuwestyon ang Disbursement Acceleration Program (DAP), naibuhos na ang kinakailangang pondo para magtayo ng mga power generators na kailangan nang hindi na kapusin ang supply sa bansa.
Hindi magkandatuto ang Pangulo sa pagdepensa sa DAP na deklaradong illegal ng Korte Suprema. Maganda raw ang pinatunguhan ng pondo pero sinasabi pa rin ng mga mahihirap na Pilipino na wala pa ring pagbabago sa kanilang buhay. Eh kung pinaglaanan ng pondo ang power sector eh di sana mas lalakas ang depensa ng ehekutibo sa DAP.
Tutol naman si Senator Joseph Victor “JV” Ejercito na bigyan ng emergency power ang Pangulo. Aniya, dalawang taon na lamang ang natitira sa termino ng Pangulo at kulang ito para makumpleto ang ano mang plano sa pagtatayo ng mga karagdagang planta.
Pero talagang seryoso ang problemang. Malamang mag-alisan ang mga investors sa bansa kung walang sapat na kuryente, huwag nang banggitin pa na ang presyo ng kuryente sa bansa ay pinakamataas sa Asya.
Katunayan, napag-iwanan na ang Pilipinas ng Cambodia at Vietnam dahil sa problemang ito. Siyempre, kung saan mas mura at sapat ang elektrisidad ay doon pupunta ang mga negosyante.
- Latest