Ang katapatan ng isang bata
MAGALAK tayo at magdiwang. Umawit nang malakas: O Jerusalem dumarating na ang ating hari, ang Panginoon. Sa ating lingguhang pagdiriwang ay pasalamatan natin ang kabutihan ng Diyos. “Diyos ko at aking hari, pupurihin kitang lagi.”
Sa ating pagpupuri sa Kanya ay pasalamatan din natin ang kanyang mga biyaya sapagkat tayo ay nabubuhay ayon sa pananahan sa atin ng Espiritu ng Diyos at hindi sa laman. Ang laman ng tao ang umaalipin sa atin. Hinikayat tayo ni Pablo na patayin natin sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang gawa ng ating laman na pawang kasalanan ng kahalayan.
Sa ebanghelyo ay ipinamalas sa atin ni Hesus ang Kanyang pasasalamat sa Ama na Panginoon ng langit at lupa sapagkat inilihim Niya ang lahat ng bagay sa marurunong at matatalino. Ipinahayag Niya sa mga may kalooban tulad ng isang bata. Ano ba ang kalooban ng isang bata? Ang lumagi sa aking isipan na ang bata ay hindi marunong magtanim ng galit sa kapwa. Nagsasabi sila ng pawang katotohanan. Walang sinungaling at hindi mapanghusga. Pag sinabihan ka ng isang bata na ‘you’re ugly’ ay huwag ka ng magreklamo sapagkat totoo. Umiiyak ang sanggol kapag gutom at nauuhaw. Kung masama ang pakiramdam ay hindi tumitigil sa pag-iyak. Alam natin ang kalungkutan ng bata kung wala ang magulang. Hindi nila mapigil ang kanilang damdamin.
Kinakalinga tayo ni Hesus na ang mga pagsubok ay biyaya sa atin ng Diyos. Kailanman ay hindi Niya tayo pinabayaan. God is good all the time. “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nagpapagal at nabibigatan sa iyong pasanin at kayo’y pagpapahingahin ko”. Ang mga problema ay ang pamatok ng ating buhay na dapat nating pasanin. Mag-aral tayo kay Hesus. Siya’y maamo at mababang-loob. Pasanin natin ang pamatok. Ito’y magaan at maginhawang dalhin.
May problema ka ba kapatid? Mapalad ka at pinagkakatiwalaan ka ng Panginoon. ‘Yan ang pamatok ng buhay, pasanin mo at pagiginhawahin ka ng Panginoon. Amen!
Zacarias 9:9-11; Salmo 144; Romans 8:9, 11-13 at Mateo 11:25-30
- Latest