Relasyon, hindi relihiyon, ang magsasalba sa atin
INUUTUSAN ng isang Katolikong obispo ang gobyerno na ibawal ang concert sa Maynila ng British boy band One Direction, dahil makasasama umano sa moralidad ng kabataan. Ano siya -- Ayatollah? Ipinagbawal ng Malaysia kamakailan ang American metallic band Lamb of God at rapper na Ke$ha dahil “malamang ay madungisan ang mga aral ng Islam.†Sinarhan ng Indonesia ng pinto si Lady Gaga, at nilimita siya ng South Korea sa mga manonood na edad-18-pataas. Tapos, ito naman sa malaya at demokratikong Pilipinas?
Ang pagsuko ng Estado sa Simbahan ang masama, hindi ang mga musikerong ‘yan. Maaring durugista sila, o exhibitionists, o nagdadamit ng kabilang gender, pero pinili nila ‘yon sa isang mapagtanggap na lipunan. Hindi dapat payagang pagtulungan sila ng Simbahan at Estado. Maaring ihabla sila ng Estado kung may batayang legal, at maaring maglabas ang Simbahan ng boluntaryong kalatas. Pero mga magulang pa rin ang may tungkulin na ituro ang mga anak sa mga mabubuting pamamarisan. Maaring tumulong ang gobyerno at pinunong espiritwal sa pamamagitan ng mga paaralan at gawaing pampubliko o sektaryan. Pero huwag panghimasukan ng Simbahan o Estado ang Pamilya, na pinaka-maliit na bahagi ng Lipunan, sa sariling nais na pangkabutihan.
Nu’ng dekada-’50 siniraan ng mga obispong Katoliko at Protestante ang rock music bilang “akda ng Demonyo.†Nung dekada-’60 lumaganap naman ang jazz Masses. Ngayon, lumulundag sa galak ang kabataan at nagsisiawit ng papuri sa Diyos sa saliw ng funk o disco.
Pag-ingatan ang mga makikitid-utak na pinuno ng anumang organisadong relihiyon. Hindi relihiyon -- kundi relasyon sa Diyos -- ang magliligtas sa atin.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest