Napipintong digmaan sa South China Sea?
UMINIT lalo nitong nakaraang linggo ang usapin tungkol sa mga dagat sa gilid ng China. Mga defense ministers ng iba’t ibang bansa ang nagsagutan. Dahil sa ilalim ng mga pinunong ito ang malalaking sandatahang lakas, animo’y may napipintong giyera sa Silangan at Timog-Silangang Asya.
Nagpulong kasi sa Singapore ang Shangri-la Forum ng defense ministers ng Japan, US, Australia, China, at 10 kasapi ng ASEAN. Doon inanunsiyo ni Australian Defense Minister David Johnston na sinusuportahan nila ang Japan at U.S. sa pagtuligsa sa militarisasyon ng China sa mga karagatan. Nauna rito, sinabi ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe na palalakasin ang kanilang Navy laban sa tangkang pag-agaw ng China ng Senkaku Islands at pati Okinawa. At tinuligsa rin ni U.S. Defense Sec. Chuck Hagel ang China sa pang-aagaw ng mga bahura ng Pilipinas at ng langis ng Vietnam.
Sa gitna ng tuminding tensiyon, sumagot si Chinese Defense Minister Chang Wanquan na hindi maaawat ninoman ang paglaganap ng lakas-militar ng bansa sa mga karagatan. Sumabat pa si Gen. Wang Guanzhong, pangalawang hepe ng Chinese Army, lalaban sila kung awatin ng Japan at U.S.
At habang nagaganap ito, patuloy na umangal ang Manila laban sa pagpapatag ng China ng tatlong reefs sa gilid ng Pilipinas para gawing military airstrip. Patuloy din umangal ang Hanoi sa pagtatayo ng China ng giant oil rig sa pampang ng Vietnam. At nagsabi naman ang United Kingdom na ang pinagsamang lakas nila ng America, sa tulong ng iba pang bansa, ang magpapatino sa China.
Malagim pa sa Indochina War ng dekada-’60 at ’70 kapag magkadigmaan ngayon. Sana ilaglag nang masang Tsino ang utak-pulburang diktador na Chinese Communist Party para maiwasan ang gulo. Mas sasagana lahat ng mamamayan sa sitwasyong payapa.
- Latest