Makaaasa ba tayo kina Jojo at Mar?
ANG dalawang pinakamalaking problema ng bansa ngayon ay contractualization at corruption.
Dahil sa contractualization, yumayaman nang yumayaman ang mga may-ari ng malls, hamburger chains at iba pa, samantalang ang contractuals ay itinitiwalag sa trabaho matapos ang limang buwan na labag sa Constitution at Labor Code na nagsasaad na bigyan ng security of tenure ang mga manggagawang Pilipino.
Dahil naman sa corruption, ang pera na dapat ginagamit ng gobyerno para lumikha ng mga trabaho ay ninanakaw ng mga pulitiko at mga kawani ng gobyerno. Kaya lumalaki nang lumalaki ang bilang ng jobless, underÂemployed at OFWs na napipilitang maghanapbuhay sa ibayong dagat dahil sa kawalan ng trabaho sa bansa.
Sino ang maaasahan natin para hanguin ang mga manggagawang Pilipino sa kahirapan na kagagawan ng mga ganid na employers at mga kawatan sa gobÂyerno? Si Mar Roxas ba o si Jojo Binay? Ano ang track record ni Mar laban sa contractualization? Ang kanyang pamilya ay may-ari ng Ali Mall na pugad ng contractualization. Si Jojo naman ay matagal naging mayor ng Makati na hindi lamang pugad kundi karagatan ng contractualization.
Ang mga humahalili sa kanya bilang mayor ay ang asawa niya at anak. Ganyan ba sila sa Makati? Mga protektor ng mga hari ng contractualization? Bilang Vice President, wala tayong naririnig sa kanyang bibig kahit man lang bulong na galit siya sa contractualization. Si Jojo ay isang abogado at alam niya na labag ito sa batas.
Dapat manindigan ang taumbayan lalo na ang mga biktima ng contractualization, jobless, underemployed at OFWs. Huwag iboto alinman sa dalawang naglalaway na makamit ang pagiging Presidente ng bansa maliban na lang kung sila ay maninindigan at lalaban sa contractualization at corruption.
- Latest