Coup d’etat
MAY coup d’etat sa Thailand ngayon. Mga militar, o junta, ang pansamantalang namumuno sa bansa. Inaresto si Prime Minister Yingluck Shinawatra at ilang mga miyembro ng kanyang Gabinete, pero pinakawalan na ang prime mi-nister. Ayon sa mga pinunong militar, naganap lamang ang coup para magkaroon ng kaayusan at katahimikan sa bansa, na ilang buwan na ring nalubog sa mga kilos-protesta na madalas ay nagiging bayolente.
Pero hindi sang-ayon ang ilan sa kilos ng militar. Wala raw dahilan magkaroon ng coup. Mabuti na lang at hindi marahas ang sitwasyon sa Thailand, kahit may ilang mga kilos-protesta sa nagaganap na coup. Hindi nauuwi sa sagupaan, barilan. Dito sa bansa, kapag nabanggit ang salitang coup d’etat ay makakarinig ka kaagad ng barilan sa pagitan ng mga pabor at kontrang militar. Siguro dahil na rin sa binigay na ng hari ng Thailand ang kanyang basbas sa naganap na coup, at itinalaga ang heneral ng hukbong katihan ng Thailand bilang pansamantalang pinuno ng bansa. Nangako naman ang heneral na gagawin ang lahat para malutas na ang mga problema ng bansa, at maibalik muli sa demokrasya. Sana nga.
Hindi rin iba ang Pilipinas sa mga coup d’etat. Anim na coup ang naganap sa administrasyon ni President Corazon Aquino mula 1986-1990. Wala tayong hari na nagbibigay ng basbas sa mga coup na iyan. Mga “feeling-hariâ€, marami. Kaya kadalasan ay nauuwi sa karahasan, sagupaan. Ang pinakamadugong coup na naganap sa Pilipinas ay noong Agosto 1987, na pinangunahan ni dating Col. Gringo Honasan, na ngayon ay Senador ng bayan, na hindi pa pinagsisisihan ang mga pinamunuang coup kung saan marami ang namatay, na ngayon ay tila sangkot na rin sa PDAF scam. Ang panahon nga naman.
Hindi pa alam kung ano ang magiging katapusan sa Thailand, pero nagbabala na rin ang DFA sa mga Pilipinong OFW na mag-ingat, at maghanda kung kailangan silang ilikas. Kung pwedeng huwag na munang bumiyahe patu-ngong Thailand, mas mabuti rin sa ngayon. Sa ngayon ay tahimik sa Thailand, lalo na’t naglabas na ng pahayag ang hari na sumosuporta sa naganap na coup. Para sa mga taga-Thailand, salita ng diyos ang salita ng hari. Pero hindi pa alam kung nag-iipon lang ng lakas ang mga tutol sa coup na ito. Hindi pa alam kung biglang magkaroon ng malawakang kilos-protesta, na sigurado ay hindi maganda ang kahihinatnan lalo na’t may suporta ang militar mula sa hari.
- Latest