Sari-saring paglabag
NAGBABALA ang PAGASA na mainit pa rin ang panahon sa Luzon sa mga darating na araw, dahil sa isang high pressure na area. Bandang alas dos hanggang alas kuwatro ang itinakdang mga maiinit na oras. Kaya naman umaabot pa rin sa gabi ang init ng singaw ng mga konkreto.
Pero tila sumasabay ang init ng panahon sa init ng relasyon ng China at ang kanyang mga kapitbahay na bansa sa rehiyon. Nagbabala na hindi dapat pinag-uusapan o tinatalakay ng ASEAN ang mga problema sa karagatan. Napaka-arogante naman talaga ng pahayag na iyan. Hindi kabilang ang China sa ASEAN, kaya sino sila para bantaan ang asosasyon?
Nagpahayag naman si President Aquino na lumalabag ang China sa “non-aggression pact†at “Declaration of Conduct†dahil sa ginagawa nilang pagtatayo ng istraktura sa Mabini Reef, o Johnson South Reef na inangkin din ng Pilipinas. Ayon sa mga nakalap na impormasyon, nagtatayo na ng isla ang China sa nasabing reef, at tila maglalagay na ng paliparan! Sari-saring paglabag sa ilang kasunduan na nilagdaan din ng China noon, na tila wala namang mga pangil para ipatupad.
Kaya naman mahalaga na kumilos na ang United Nations sa problemang ito, pero tila kinakaladkad din ang kanilang paa sa isyu. Parang ayaw banggain ang China. Hindi tulad ng Vietnam na ipinakita na talagang galit sila sa China sa paglalagay ng oil rig sa Paracel Islands, lugar na inaangkin naman ng Vietnam. Nagsunog ng mga negosyo, at may napatay pa!
Hindi magawa ng China ang makipag-usap nang maayos, tulad na nagawa na natin sa Taiwan at ngayon sa Indonesia. Nagkasundo na tayo sa dalawang bansa hinggil sa ilang lugar sa karagatan kung saan parehong sakop ng Exclusive Economic Zone. Para walang masamang mangyari kung sakaling magtagpo ang mga mangingisda sa mga nasabing parehong lugar. Ayaw tumulad ng China dahil inaangkin lang lahat, walang tanung-tanong. Puwede pa ba sa ganitong panahon ang ganyang ugali?
- Latest