EDITORYAL - Simulan ang paglilinis
MABUTI naman at mayroong delikadesa ang mga pinuno ng National Food Authority (NFA) at Philippine Coconut Authority (PhilCoA). Hindi sila katulad ng ibang taong gobyerno na “kapit-tuko†sa puwesto. Ilang araw makaraang manumpa si Presidential agriculture adviser Francis Pangilinan, nagbitiw sa puwesto si NFA administrator Orland Calayag at sumunod naman si PCA administrator Euclides Forbes. Ang dalawa ay kapwa inilagay sa puwesto ni Agriculture Secretary Proceso Alcala. Si Calayag ay matagal nang binabatikos dahil wala umanong kakayahan na pamunuan ang NFA at bukod sa isa itong greencard holder. Matagal umano itong namalagi sa US at biglang nagbalik-bansa makaraang iupo ni Alcala sa puwesto. Wala umanong kakayahan si Calayag na sawatain ang talamak na rice smuggling.
Wala namang gaanong naririnig kay Forbes mula nang pamunuan ang PhilCoA noong 2010 maliban sa mabagal na rehabilitasyon ng mga napinsalang niyugan sa Visayas region partikular sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Yolanda.
Ngayong wala na ang dalawang opisyal na iniluklok ni Alcala, maaari nang magsagawa si Pa-ngilinan nang paglilinis at ipakita na kaya niyang ireporma ang NFA at PhilCoA. Matapos mailuklok ni P-Noy, sinabi ni Pangilinan na inatasan siya ng Presidente na linisin ang agriculture department na may saklaw sa NFA, PhilCoA at National Irrigation Administration.
Mabigat ang problema sa NFA sapagkat hanggang ngayon, patuloy ang rice smuggling sa bansa. Ang mga kawawang magsasaka ang apektado ng smuggling. Nawawalan sila ng ikinabubuhay sapagkat mas mabenta ang smuggled rice kaysa local na ani. Umano’y naipapasok ang mga smuggled rice dahil sa mga kooperatiba na nabibigyan ng akreditasyon ng NFA. Ito ang dapat tutukan ni Pangilinan. Kaawaan niya ang mga maliliit na magsasaka.
Tutukan din naman ni Pangilinan ang NIA. Mabagal ang NIA sa paggawa ng mga irigasyon para mapatubigan ang mga palayan. Bakit kaya kapit-tuko sa puwesto ang NIA administrator? Walang delikadesa? Sana gayahin niya ang ginawa ng NFA at PhilCoA administrators.
- Latest