Giyera kapag ginalaw ng China ang Ayungin
TIYAK may military battle plan ang China para agawin ang Ayungin Shoal sa West Philippine (South China) Sea. Maski sakop ito ng 200-mile exclusive economic zone ng Pilipinas, sakop din ang shoal ng nine-dash claim ng China sa karagatan. Ito nga ang sanhi ng pagbabanta ng China na ito-tow away ang Philippine Navy ship BRP Sierra Madre na nakasadsad sa shoal at binabantayan ng Philippine Marines.
Pero iba ang pagkakaroon ng military battle plan kaysa aktuwal na pagpapatupad nito. At tiyak din na minumuni-muni ng China kung tototohanin o pananatilihing banta lang ang pagpapaalis sa Sierra Madre.
Mabigat kasi ang implikasyon -- GIYERA -- kung gaÂgalawin ng China ang BRP Sierra Madre. Hindi basta giyera, kundi kasangkot ang Estados Unidos, sa ilalim ng RP-US Mutual Defense Treaty (MDT).
Ayon kasi sa MDT, tutulong ang kabilang bansa kapag nilusob nino man ang mainland o teritoryo ng Pilipinas o Estados Unidos. Kaya kung lulusubin ng China ang Pilipinas, maoobliga ang America na tumulong sa huli. Magkakasigalot na kasing-lala sa Vietnam/Indochina War.
Ilang beses nang nilinaw ng America na hindi sila tutulong kung ang pagmumulan ng giyera ng Pilipinas at China ay ang gusot sa Spratly Islands. Pero iba kung ang pagmulan ay ang Ayungin Shoal. Tatlo ang dahilan: Una, nasa loob nga ang Ayungin ng 200-mile EEZ ng Pilipinas, pero 800 miles mula China. Ikalawa, nasa continental shelf ng Pilipinas ang Ayungin. Batay sa dalawang ito, sakop ang Ayungin ng maritime rights ng Pilipinas. Ikatlo, at pinaka-mabigat, commissioned Navy ship ang Sierra Madre. Kaya kung gagalawin ito, para na ring nilusob ang mainland o teritoryo ng Pilipinas.
Tanong: matinong-isip ba ang Chinese Communists kontra giyera?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest