Si Juanita at ang 6 niyang anak
SI Juanita, 37, ay asawa ni Roberto na kasalukuyang OFW sa Papua New Guinea (PNG). Assistant cook siya mula Oktubre 2012. Sa umpisa, regular na nagpapadala si Roberto ng P18,000 every month kay Juanita at sa kanilang anim na anak na sina: Augustus, third year high school; Nephi, first year high school; Nova, grade 6; Phoebe, grade 3; at Noel, grade 1. Pero noong Nobyembre 2013, hindi na naging regular ang suporta ni Roberto. May buwan na ang pinadadala niya ay P3,000, minsan wala, at minsan naman ay P5,000. Ang dahilan: Nakabuntis si Roberto ng taga-PNG at nagpasya siya na bawasan ang suporta kay Juanita at mga anak dahil kailangan din naman daw niyang mag-ipon para sa pagbubuntis at panganganak ng kasintahang taga-PNG.
Humingi ng tulong si Juanita sa Public Attorney’s Office, pero sinabihan siyang dahil hindi naman daw tuloy-tuloy na umaabot ng 6 months na di nagpapadala ng suporta si Roberto ay wala pa siyang cause of action. Ang ibig sabihin ng PAO, basta’t nakapagpadala sa loob ng 6 months si Roberto kahit maliit lang, hindi siya maaring sampahan ng kasong abandonment. Dumulog din si Juanita sa OWWA pero sinabihan siyang ang magagawa lamang nito ay ma-ging mediator sa kanilang dalawa ni Roberto.
Pinarating ng OWWA ang problema ni Juanita sa ating embahada sa PNG na kumausap naman kay Roberto pero hanggang doon lang ang nagawa ng embahada. In the meantime, tumigil sa pag-aaral ang anim na anak. May nagmagandang loob na ipinasok si Juanita kamakailan lamang sa isang plywood factory pero maliit ang suweldo. Paano kaya natin matutulungan si Juanita at anim niyang mga anak? Magpayo nga kayo.
- Latest