EDITORYAL - Makakapagplano na ng pamilya
KINATIGAN ng Supreme Court ang kontrobersiyal na Reproductive Health Bill o ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012. Ayon sa SC, ang RH Bill ay constitutional o naaayon sa batas. Ganunman, walong probisyon ng batas ang ni-reject ng SC. Sa pag-reject sa walong probisyon, nagpakita rin ang Simbahang Katoliko ng panalo. Sa simula pa, kontra na ang Simbahang Katoliko at iba pang grupo sa RH Bill.
Umabot nang 14 na taon bago tuluyang naisaÂbatas ang RH Bill. Maraming naging hadlang bago naipasa. Maraming nagpapakalat ng maling kaisipan sa panukala. Isinusulong daw ng pamahalaan ang abortion. Marumi ang ipinupunla sa isipan ng nakararami. Inililigaw ang nakararami sa tunay na hangarin ng panukala. Sa halip na maging maganda sa paningin, masama ang pinipinta rito.
Maraming taliwas na sinasabi sa tunay na layunin ng RH Bill.
Hindi nila abot ang tatlong magandang hangarin na isinusulong ng RH Bill. Una ay ang mapanga-lagaan ang kalusugan ng ina, sanggol at bata. Ikalawa ay ang mabigyan ng kalayaan ang mag-asawa na matuto sa pagpaplano ng pamilya. Ikatlo, mapipigilan ang mabilis na pagdami ng populasyon.
Walang nabanggit na abortion o pagpuksa sa buhay na nasa sinapupunan. Malayung-malayo sa hangarin na maisaayos at mapangalagaan ang kalusugan at buhay ng ina at sanggol. Ngayong nagÂpasya na ang Supreme Court, malaya nang makakapili ang mag-asawa sa pamamaraang nais nila para maiplano ang pamilya. At kung nakaplano na ang kanilang pamilya, dito magsisimula ang unti-unting pagbabago sa populasyon ng mga Pilipino. Sa kasalukuyan, 93-million na ang populasyon ng Pilipinas. Sa pagdami ng populasyon, dumarami rin ang naghihikahos at marami ang nagugutom. Kung magpapatuloy ang wala sa planong panganganak, lalo pang maghihirap ang mga dukha. Kukulangin ang pagkain at maraming mamamatay sa gutom.
Ngayo’y wala nang hadlang para maimulat sa mga mahihirap ang maayos na pagpaplano ng pamilya. Magkakaroon na sila nang katalinuhan para mapaganda ang buhay. Katamtamang dami ng anak, malusog na pamumuhay at wala nang mamumuti ang mga mata dahil sa gutom.
- Latest