^

PSN Opinyon

‘Killer sounds’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

SA labas ng bodega, sa isang gilingan ng palay sa bayan ng Iloilo natagpuan si ‘Ronron’… butas ang ilalim ng dibdib, bandang kili-kili… wala nang buhay.

“Walang dugong lumabas sa katawan ng kapatid ko sa sob­rang lalim ng saksak,” wika ni ‘Rey’.

Si Rey Zamora, 36-anyos ay panganay sa walong magkakapatid. Tubong-Negros Occidental ang kanilang pamilya. Taong 1980’s nang magtrabaho sa Ajuy, Iloilo ang kanyang mga tiyuhin. Mula nun, sa Ajuy na sila nagbabakasyon.

Dito na rin nakapag-asawa si Rey, kapatid na si “Raffy” at si Ronald Zamora o “Ronron”, 32-taong gulang.

“Taga-Ajuy ang misis niyang si Rodelyn kaya sa Iloilo na siya namalagi, sa palayan,” kwento ng kapatid.

Mula taong 2005 nakatira na sa Ajuy sina Ronron at Rodelyn, sa D&D Rice Mill sila namalagi. Drayber dati rito si Ronron. Hindi nagtagal ginawa siyang ahente ng isda sa bagsakan ng isda na pagmamay-ari rin ng D&D.

Mga bangus na hango mula bayan ng Cartes, Concepcion at Ajuy ang binabagsak dito. Mas malaki ang kinita ni Ronron. Kada 100 banyera kasi ng isdang mabebenta niya, may halagang Php1,500 komisyon.

“Ubos lahat ng hango. Marami kasing suki ang kapatid ko ng mga tindera ng bangus sa palengke. Minsan Php3,000 kita niya sa isang araw,” ayon kay Rey.    

Hindi man nakapagtapos ng hayskul, 2nd year lang ang inabot ni Ronron, malaki siyang kumita dahil madiskarte, masipag at pala-kaibigan daw ito. Isa rin siya sa pinagkakatiwalaan ng may-ari ng D&D. Hindi lang pamamakyaw ng isda ang trabaho niya, kapag inutusan siyang magdrayb, wala raw angal si Ronron, trabaho agad.

“May ilan-ilang naiinggit sa kapatid ko dahil ’di naman siya nakapag-aral pero maganda ang binigay na trabaho sa kanya. Likas kasing maabilidad si Ronron…” ani Rey.

Kwento ni Rey, walang nakaalitan si Ronron sa pamamalagi sa D&D maliban kay Nero Suyom, nasa edad 45. Galing Villa, Iloilo. Dati raw gwardiya. Tatlong taon pa lang daw si Nero sa D&D bilang bodegero. Ang bodegang binabantayan nito ang nagpapagitna sa bahay ni Ronron, iba pang manggagawa at bahay ni Nero.

Mayo 2013, ika-5 kaarawan ng anak ni Ronron. Nagkarooon ng handaan at inuman kinagabihan. Dahil may okasyon, hindi maiiwasan ang malakas na ‘sounds’. Gitarista si Ronron kaya’t oldies songs ni Bing Rodrigo ang tugtugan.

Bandang alas diyes ng gabi sumugod daw itong si Nero,  â€œMaingay…’di kami makatulog!”reklamo raw nito.

Naangasan si Ronron sa pagsaway ni Nero, ayon sa kapatid madalas mas malakas pa raw ang ‘sounds’ nila subalit nagsasa­walang kibo si Ronron kaya’t nasagot niya si Nero.“Kapag nga kayo nag-iingay wala kayong naririnig sa’min. Birthday lang naman ng anak ko…” sabi ni Ronron.

Namersonal daw itong si Nero at sinabing ipaparating niya sa amo ang malakas na tugtugan nila Ronron. “Sige, ‘di ako natatakot! Gusto mo magsuntukan na lang tayo,” matapang na hamon daw ni Ronron.

Hindi naman nakapalag si Nero at umalis na lang. Mula nun, nag-iwasan na ang dalawa. Hanggang dumating ang ika-9 ng Enero 2014… bandang 9:00PM.

Kwento ni Rey sa amin, nagkatampuhan daw si Ronron at misis na si Rodelyn. Umalis ng bahay ang misis habang pumunta naman si Ronron sa biyenang si Bumbay — residente rin sa compound ng D&D. Napasubo sa inuman si Ronron kasama ang biyenan at mga pinsang sa bigasan din nagtatrabaho.

Bandang 9:00 ng gabi, sinundo ng bunso nilang si Reymond, 18-anyos ang kuyang si Ronron para kumain ng hapunan. Habang naglalakad si Reymond papunta sa bahay ng biyenan ng kapatid… sa madadaanang bodega, sa labas naabutan na lang niya ang walang malay na katawan ng kapatid.  Nakatihaya ang posisyon ni Ronron. Ginising siya ni Reymond subalit nang galawin ang katawan, nakita niya ang tama ng saksak sa kaliwang kili-kili nito.

“Wala namang dugo sa paligid at sa katawan ng kapatid ko ang mismong tama lang,” ani Rey.

Humingi ng saklolo si Reymond. Walang tao sa bodegang dapat binabatayan ni Nero. Binuhat niya ang kuya para dalhin sa ospital subalit wala na itong pulso.

Maya-maya dumating ang tiyuhin niyang si Danilo Zamora at ilang kamag-anak kasama raw ang asawa ng bodegerong si Nero.

“Ang sabi ng tiyuhin ko, dumating itong misis ni Nero nanghihingi ng saklolo, ‘Awatin n’yo si Ronron at Nero… awatin n’yo ang dalawa!’ sabi raw nito,” salaysay ni Rey.

Agad nagpunta sa bodega sina Danilo subalit patay na si Ronron nang kanilang abutan. Diresto ‘morgue’ ang bangkay. Dumiretso sila sa presinto ng Ajuy, dito naabutan ng kanyang inang si ‘Myrna’ ang suspek na si Nero.  

Na-recover din daw ang isang mahabang patalim, mukhang ‘ice pick’ subalit may katabaan, parang ‘screw driver’, na hinihinalang ginamit sa pananaksak na pagmamay-ari umano ni Nero.

“Sabi ng nanay, umamin si Nero sa mga pulis na siya ang pumatay… bigla na lang daw uminit ang kanyang ulo,” sabi ni Rey. Wala raw tumayong testigo sa pagpatay kaya’t pinalabas din ng pulisya ang suspek parehong araw. Mula nang mamatay si Ronron, hindi pa nakakasampa ng reklamo sina Rey. Wala na raw nangyari sa kanilang kaso kaya’t nagsadya siya sa aming tanggapan. Itinampok namin si Rey sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882 KHZ. Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa isang kaso napakahalagang merong testigo bago ito maisampa sa piskalya dahil kung ang pagbabatayan ay pawang haka-haka at kuru-kuro matatawag na ang lahat ay ‘speculative’ lang o base sa konklusyon at paniniwala ng pamilya ng biktima.

Naiintindihan namin kung bakit ‘di maisampa  ng pulis (direct file)  ang kaso dahil walang tatayong saksi sa krimen.  Kung totoo ngang umamin itong si Nero sa pulis dapat kinuha ang kanyang pahayag sa harap ng isang abogado (Public Attorney) para pagdating ng panahon ‘di niya maitatanggi ito at masasabing siya’y tinakot at tinorture lamang.   

Para tulungan si Rey, ini-refer namin siya kay PSSUPT. Rudy Lacadin, Deputy Director for Operations ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Camp Crame para muling gumawa ng imbestigayon sa pagkamatay ni Ronron. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)  SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City State Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landlines 6387285 / 7104038.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

AJUY

BRVBAR

KAPATID

LANG

MULA

NERO

REY

RONRON

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with