EDITORYAL - Hindi mapigilan ang rice smuggling
PATULOY ang rice smuggling. Mahaba pa rin ang sungay at pangil ng rice smugglers sa kabila na nagkaroon ng inquiry ang Senado ukol dito. Walang epekto ang imbestigasyon sapagkat naging talamak pa ang smuggling ng bigas. Unti-unti namang nawawala ang pangalan ni Davidson Bangayan o David Tan na umano’y rice smuggler. Pagkaraang ipatawag ng Senado para sa imbestigasyon ng rice smuggling, wala nang narinig ngayon ukol kay Bangayan. Nang tanungin ng mga Senador si BangaÂyan ukol sa pagkakaugnay niya sa rice smuggling, itinanggi niya ito. Hindi raw siya smuggler at sinabi rin noong una na hindi siya si David Tan.
Walang napiga ang Senado kay Bangayan. Hanggang doon na lang ang imbestigasyon. Ito marahil ang dahilan kaya ngayon ay malaya na naman ang mga rice smuggler at wala nang kinatatakutan.
Noong Martes, kinumpirma ni Agriculture secretary Proceso Alcala na patuloy ang rice smugglers sa bansa. Nagsalita si Alcala sa isang pulong ng Mindanao Rural Development Program sa Davao City. Ayon kay Alcala, ang makapipigil lamang daw sa mga rice smuggler ay ang pagpapababa sa halaga ng ginagastos sa bukid o pagtatanim ng palay. Kapag daw napababa ang gastos, tiyak na wala nang papasok na smuggled rice sa bansa. Isa raw sa problemang dapat tugunan ay ang paggawa ng mga irigasyon sa maraming bahagi ng bansa. Kapag may irigasyon, magkakaroon nang malaking ani ang mga magsasaka at maibebenta ito sa tamang halaga.
Tama si Alcala sa kanyang sinabi. Dapat mapababa ang gastos ng mga magsasaka at kailangan talaga ang irigasyon. Dapat noon pa ito naisip ni Alcala at naisagawa bago matapos ang termino ni President Aquino. Hanggang ngayon, marami pa rin ang umaasa sa sahod-ulan. Maraming palayan ang natutuyo dahil walang dumadaloy na tubig. Sana naman, may magawa ang Aquino administration sa kapakanan ng mga magsasakang natutuyo ang lupain dahil walang suplay ng tubig. Sa agrikultura, yayabong ang bansa, sana iprayoridad ito. Ito ang solusyon sa malawakang rice smuggling.
- Latest


















