DoE tutulug-tulog kaya nagmahal ang kuryente
GOBYERNO natutulog sa pansitan. ‘Yan ang saad sa magkahiwalay na imbestigasyon ng Senado at Kamara kung bakit sumipa ang presyo ng kuryente nu’ng Nob. Apat ang palpak ng Dept. of Energy (DoE):
Una, hindi nito pinaghandaan ang maintenance shutdown ng Batangas natural gas facility, pinaka-malaking gawaan ng kuryente. Alam nilang isang buwan tuwing makalawang taon ang pagsasara ng plan. Sabi pa ni DoE Sec. Carlos Jericho Petilla na ‘yun ang una niyang inasikasong problema pagkaupo nu’ng Okt. 2012. Pero, wala rin.
Ikalawa, hindi pinatakbo ng Power Sector Assets & Liabilities Management Corp., na pag-aari ng DoE, ang 650-MW thermal plant nito sa Rizal. Sa suri ni Sen. Sergio Osmeña III, miski isa lang sa dalawang makina nito ang pinaandar, bumaba na sana ang generation rate sa P12 mula P22 per kwh. Palusot ng PSALM, kesyo P50 milyon ang gastos sa pag-restart pa lang, na aabutin ng tatlong buwan para mabawi. Pero para ano pa ang taunang P600-milyong subsidy nito mula sa gobyerno kundi sa ganitong kagipitan? Si Petilla ang vice chairman ng PSALM. Anim silang taga-Gabinete sa board of directors.
Ikatlo, nangako ang PSALM ni Petilla sa wholesale electricity spot market na gagawa sila ng kuryente nu’ng Nob., miski wala itong balak tuparin. Inakala tuloy ng iba na supisyente ang supply. Nang mabistong kapos pala, sinamantala ito ng generation companies. Itinaas ang presyo hanggang P60 per kwh. Si Petilla ang chairman ng WESM.
Ikaapat, ipinasa ng Energy Regulatory Commission sa consumers ang trumipleng presyo ng kuryente sa Luzon-Visayas. Hindi inalam kung bakit nagkaganoon. Nang umangal ang publiko, nagpalusot ang Malacañang na kesyo engot daw kasi si ERC chairwoman Zenaida Ducut na appointee ni dating-Presidente Arroyo. Pero tatlong commissioners na appointee ni ngayong Presidente Noynoy Aquino ang kumatig sa mga palakad ni Ducut. Lahat sila maysala.
- Latest