^

PSN Opinyon

‘Pluma at papel ang sandata’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

ANG APOY ng himagsikan ay lalong nagningas nang mabaril sa Bagumbayan ang ating pambansang bayani na si Dr. Jose Protacio Rizal.

Nagsilbi itong hudyat upang ang lahat ay lumaban, kumilos at mas lalong maging matapang upang makamit ang kalayaan mula sa mga mananakop.

Ngayon ay ginugunita natin ang araw ng kamatayan ni Gat Jose Rizal kaya naman sariwain natin ang kanyang naging kontribusyon upang makamtan natin ang kalayaang ating pinapangarap.

Si Gat Jose Protacio Rizal ay isinilang sa Calamba, Laguna noong Hunyo 19, 1861. Siya’y anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonzo.

Tulad natin ngayon, ang kanyang ina ang kanyang unang naging guro.

Noong Marso 23, 1876 nakapagtapos siya ng Bachelor of Science (Agham) sa Ateneo de Manila na may mataas na karangalan. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Unibersidad ng Sto. Tomas at Unibersidad Central de Madrid hanggang sa sabay niyang matapos ang medisina at pilosopiya noong 1885.

Nag-masteral naman siya sa Paris at Heidelberg at doon siya nagtapos.

Hindi lamang Tagalog at Ingles ang natutuhan na wika ni Gat Jose Rizal kundi natuto rin siyang bumasa at sumulat sa maraming wika. Ilan na rito ang Latin at Grego.

Sa pamamagitan ng kanyang pluma ay inilahad niya kung paano tratuhin ng mga Kastila ang mga Pilipino. Ang mga pang-aabuso ng mga Prayle at ang mga katiwalian sa pamahalaan ng mga Kastila. Ito ang nakapaloob sa dalawang nobelang isinulat niya, ang ‘Noli Me Tangere’ at ‘El Filibusterismo’.

Umuwi ng Pilipinas si Gat Jose Rizal noong Hunyo 18, 1892 at itinatag niya ang samahan na tinawag na ‘La Liga Filipina’. Pagtataguyod ng pag-unlad ng komersiyo, industriya at agrikultura at ang pagkakaisa ng mga Pilipino ang pangunahing layunin ng samahang ito.

Nakulong sa Fort Santiago si Rizal noong Hulyo 6, 1892 at ipinatapon sa Dapitan noong Hulyo 14, 1892. Apat na taon siyang nasa Dapitan. Nanggamot ng may sakit at hinikayat niya ang mamamayan na magbukas ng paaralan doon.

Habang papunta siya sa Cuba noong Setyembre 3, 1896 upang magsilbi bilang siruhano ay inaresto siya. Ibinalik siya sa Pilipinas noong Nobyembre 3, 1896 at muling nakulong sa Fort Bonifacio.

Disyembre 26, 1896… nahatulan ng kamatayan si Gat Jose Rizal dahil siya’y napagbintangang nagpasimuno ng rebelyon laban sa mga Kastila.

Ang pangatlo niyang naisulat na ‘Mi Ultimo Adios’ (Ang Huling Paalam) ay isinatitik niya bago siya mamatay. Ito ay upang mamulat ang mga susunod na henerasyon na ma­ging makabayan.

Inilagay niya ito sa isang gasera sa loob ng kanyang kulungan at ito’y natagpuan ng isang kababayan at ikinalat sa buong kapuluan kaya’t lalong nag-igting ang pakikipaglaban ng iba pa nating mga bayani.

Noong ika-30 ng Disyembre 1896...habang pumuputok ang liwanang at sumisikat ang araw, si Gat Jose Rizal ay kinuha mula sa kanyang kulungan at dinala sa Bagumbayan, na ngayo’y Luneta. Nang pipiringan ang kanyang mata tinanggihan niya ito. Pinatalikod siya at siya nama’y pumayag.

“Listo! Apuntar! Fuego!” sigaw ng namumuno ng ‘firing squad’. Humarap siya at nang puputok na buong tapang na hinarap ni Rizal ang mga babaril sa kanya.

Sa pagkamatay niya lalong nag-init ang ating mga bayani at naging puspusan ang pakikibaka para sa kalayaan. Hindi lamang ang kalayaan para sa bayan ang kanilang isinisigaw kundi ‘Hustisya para sa Pilipinas.’

Ito’y pagbabaliktanaw lamang at huwag sana nating balewalain ang ginawang pakikipaglaban ng ating mga bayani upang makamit natin ang kalayaang tinatamasa natin ngayon. Isapuso natin ang kanilang pakikibaka at huwag nating iiwan na nakatago na lamang sa mga pahina ng libro ang kanilang katapangan.

Hindi nila inilabas ang kanilang mga sibat at pluma upang masama lamang sa mga papel na inaanay na at kapag nahipan ng hangin ay agad maglalaho.

Kami sa “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn), sa Pilipino Star Ngayon, sa PM at sa DWIZ ay nakikiisa sa paggunita, paghanga at pagpuri sa isa sa pinakamagaling na Pilipino na nabuhay sa ating mundo.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

GAT JOSE RIZAL

KANYANG

KASTILA

NIYA

NOONG

RIZAL

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with