EDITORYAL - Dami pang Pinoys na walang sariling toilet
TUWING Nobyembre 19 ay ipinagdiriwang ang World Toilet Day. Ito ay para ipaalala ang kaha-lagahan nang pagkakaroon nang malinis na toilet ng bawat pamilya sa buong mundo. Kapag walang toilet ang bawat pamilya at kung saan-saan na lamang dumudumi, nakaamba ang maraming sakit. Ang kawalan ng toilet ang dahilan kaya kumakalat ang mga sakit na nagdudulot ng kamatayan sa mamamayan. Nangunguna ang diarrhea sa mga sakit na nananalasa dahil sa kawalan ng toilet. Karaniwang tinatamaan ng diarrhea ay mga bata.
Nakadidismayang malaman na 7.5 milyong Pilipino ang walang toilet at karamihan sa kanila ay nasa rural areas o mga probinsiya. Kung saan-saan sila dumudumi --- tabing ilog o sapa, punongsa-ging, punongniyog, punongkahoy at iba pang tagong lugar. Nabatid na ang mga probinsiyang walang toilet ang mamamayan ay ang Masbate, Negros Occidental, Maguindanao, Tawi-Tawi at iba pang probinsiya sa Luzon.
Ilang taon na ang nakararaan, nagkaroon ng diarrhea outbreak sa isang liblib na lugar sa Palawan. Maraming naospital karamihan ay mga bata. Napag-alaman na ang mga residente ay sa isang sapa kumukuha ng inuming tubig subalit sa sapa rin na iyon sila dumudumi. Wala silang toilet. Hindi nila alam ang kahalagahan nang pagkakaroon ng sariling toilet.
Hindi lamang sa mga liblib na lugar sa bansa, maraming walang toilet kundi maging sa Metro Manila. Sa Maynila, binanggit sa report na ang mga residente sa Isla Puting Bato, Baseco sa Tondo at ganundin sa Quiapo at mga lugar na nasa gilid ng estero at Pasig River ay walang sariling toilet Kung saan-saan na lamang dumudumi umano ang mga residente sa nabanggit na lugar.
Hindi na kailangang ipagdiwang pa ang World Toilet Day para ipaalala sa mamamayan ang kahalagahan nang pagkakaroon ng toilet. Kahit hindi nag-aral, malalaman na mahalaga ang may sariling toilet. Paigtingin naman ng pamahalaan ang kampanya sa pagkakaroon ng sariling kubeta. Marami pang Pilipino ang dapat imulat sa kalinisan at pagkakaroon ng kubeta. Kung lahat ay may kubeta, ligtas sa sakit.
- Latest