Expired meat products
Sa mga pampublikong pamilihan, night market at mga singit-singit ng bangketa, nagkalat ang expired processed meat products o mga panindang hindi na dapat ibinibenta pa sa publiko. Itong ‘yung mga processed meat product na tinanggal na sa mga orihinal na pakete na nakabuyangyang sa mga malalaking palanggana at itinitinda ng bagsak-presyo.
Kung ikukumpara sa regular na bentahan, ‘di hamak na mas mababa ito. Kaya ang mga mamimili, naeengganyong mamakyaw nang bulto-bulto. Sa ganitong senaryo, malaki ang posibilidad na mga expired na ang kanilang ibinibenta!
Modus ito ng mga mapagsamantalang negosyante. Ire-reprocess nila ang mga produkto pangunahin na ang mga tapa, tocino, hotdog at mga kauri nito. Pilit ilulusot para mai-dispose sa mga maliliit na negosyanteng nasa hanay ng pagba-barbeque at karinderya. Kaunting babad lang sa mga seasoning, artificial additives at food coloring, mabango na at muling ilalako!
Year 2005, naibisto ng BITAG ang ganitong kalakaran sa mga pamilihan. Bukod pa dito ang pagpupuslit ng mga double-dead na karne mula sa malalaking pig farm sa mga kalapit na probinsya.
Lalo na ngayong “ber†months, hinihikayat ng BITAG ang publiko na isumbong sa mga awtoridad at media ang mga nananamantalang negosyante na naglalako ng expired products. Maaaring hindi kayo ang mabiktima, subalit nanganganib naman ang kalusugan ng inyong mga mahal sa buhay.
Nililinaw ng BITAG, hindi namin layunin na siraan ang mga nasa sektor ng pagbababoy at paggawa ng processed meat products. Inilalantad lang ng BITAG ang gawain ng mga mapagsamantalang nambibiktima ng publiko.
- Latest