People’s Initiative
GALIT na galit at inis na inis na ang taumbayan sa mga talamak na kaso ng katiwalian at pangungurakot na isa-isang nalalantad sa pamahalaan. At kapag ang madlang People ay Inis sa Thieves kailangan na siguro ang People’s Initiative para amyendahan mismo ng taumbayan ang mga batas na ginagamit ng mga politiko para ma-ging kasangkapan ng kanilang pangungurakot.
Tiyak ko na sa kabila ng pagkakaroon ng batas sa People’s Initiative, marami sa mga kababayan natin ang hindi nakababatid nito.
Sabi ni dating Chief Justice Reynato Puno, maaaring ito ang tanging remedyong puwedeng gamitin ng taumbayan. Oo nga naman, kaysa sa mga walang tigil na kilos protesta na tila bumabagsak lamang sa mga tengang may bara. Noong Agosto 4, 1989 napagtibay ang magandang batas na ito na nakapaloob sa Republic Act 6735 nang ang Presidente pa ng bansa ay si Corazon C. Aquino at ang pangulo ng Senado ay si Jovito Salonga habang House Speaker naman ang yumaong Monching Mitra.
Kailangan lamang dito ang 10 hanggang 12 porsyenÂto ng kabuuang bilang ng mga registered voters sa bawat legislative district sa bansa na lalagda ng petisyon sa mga bagay na ibig nilang mabago sa batas o konstitusyon at ito’y irerehistro sa Commission on Elections para sa pagtatakda ng referendum upang maaprobahan ng taumbayan ang ano mang amyendang ipapanukala ng taumbayan.
Hindi ko lang alam kung may implementing rules na ang batas na ito na 24 na taon na. Kung wala pang implementing rules na ang gagawa ay mga mambabatas din, papayag naman kaya silang gawin ito? Kasi sila ang malamang tamaan kapag ang madlang-pipol na ang bumuwag sa mga batas na pabor sa kanila.
Sa nakaraang 24 na taon ay nakatiwangwang lang ang batas na iyan at hindi pa nagagamit ng taumbayan. Tingin ko’y panahon na para malaman at maunawaan ng mamamayan ang kanilang karapatan at ito ay gamitin.
Ang mga nangyayaring kilos-protesta na kawing-kawing at walang katapusan ay parang pagsasayang lang ng pagod kung hindi naman magtatamo ng positibong bunga. Baka anarkiya lamang sa lansangan ang idulot nito.
- Latest




















