Bugok sa BI may ‘padrino’ kaya hindi nabalasa
Hindi birong balasahan ang nangyayari ngayon sa Bureau of Immigration halos lahat ng mga tuta este mali alipores pala ni ‘boy takbo’ este dating BI Commissioner Ric David pala ay isinantabi na ni acting Commissioner Siegfred Mison.
Ika nga, papel de liha ngayon
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, ‘weather, weather’ lang sa nasabing tanggapan dating mga nasa juicy positions ngayon ay nasa mga kangkungan na. Hehehe !
Bhe, buti nga.
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, hindi dapat lubayan ni Mison ang mga bugok dyan sa BI - Boarding Bay Service na kumita ng malaki dahil lamang sa panguÂngulimbat sa mga foreign tourist sakay ng mga international cruise ship at pumupunta sa mga magagandang lugar o tourist spots sa Philippines my Philippines para magpa-kodak at mamasyal dito.
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, bago tumakbo at layasan ni David ang Bureau of Immigration ay nagpadala ng liham ang Department of Tourism dito para bigyan linaw ang inireklamo ng Royal Carribean Cruise Lines sa DOT dahil ang sumbong ay sinisingil daw ang mga sakay nilang banyaga ng US$250.00 each bilang kabayaran sa ‘laundry fee.’ oras na bumaba sila ng barko.
Naku ha!
Totoo kaya ito?
Ang siste ay mukhang hindi yata sumagot sa liham ng DOT si David hanggang sa magkaroon ito ng problema sa palasyo kaya naman sumibat ito at nagbitiw sa puesto.
Sabi nga, puro kapalpakan kasi ang nangyayari sa BI noon panahon ni David kaya naman pati si P. Noy ay nabuwisit dito.
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, taÂmeme sa usaping ito si acting chief Theodoro ‘Teody’ Pascual ng BI-BBS sa hindi malaman dahilan kaya kailangan itong mabusisi at paimbestigahan ni Mison sa DOJ o ipakalkal sa NBI dahil hindi birong salapi ang pinag-uusapan dito,
Sabi nga, para lumabas ang buong katotohanan at maÂlaman kung sinu-sino ang nakinabang sa sinasabing ‘laundry fee’.
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, si Pascual ang hepe ng division pinag-uusapan kaya sabit siya sa ‘command responsibilities?’
Korek ka dyan Kamote.
Nagbingi-bingihan si David noon siya pa kumukumpas sa Bi kaya walang nangyari sa isinumbong ng DOT tungkol sa bagay na ito.
Sabi nga, malakas kasi!
Abangan.
* * * * *
Alyas Junior Tolentino
NATABUNAN ang isyu tungkol sa ‘inis at sermon’ ni P,Noy sa Bureau of Customs noong magtalumpati ito sa SONA dahil ang mga balita nitong mga nagdaan araw ay tungkol kay Janet Lim Napoles regarding sa P10 billion ‘pork barrel’ anomaly kaya naman nagpa-relax, relax ang mga bugok dito, kamakailan up to now.
Dahil sa tindi ng isyu kay Napoles pati mga pangalan ng ilang mambabatas ang nakakaladkad sa usaping katiwalian kaya tuloy may mga balitang natabunan dahil sa bigat ng pagkakatutok ng madlang pinoy sa Napoles story drama.
Hindi biro ang usapin kay Napoles porke naging international issue ito kaya nga pati si P. Noy ay sumawsaw na rin sa usapin.
Bakit?
Para bigyan ng matinding seguridad si Napoles dahil baka patayin ng mga kamoteng nakinabang ng million of pesos kay Janet.
Kambiyo issue, sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, habang abala ang lahat sa usapin ‘pork barrel’ ay busy naman ang grupo ng isang alyas Junior Tolentino sa pagpapalusot dyan sa aduana.
Naku ha!
Totoo kaya ito?
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, malakas ang loob ni Junior Tolentino sa paggawa ng mga kalokohan sa aduana dahil mabigat ang ‘padrino’ nito sa loob ng bureau.
Sino raw?
PERA ! Hehehe.
Sinasabing pinalulundag ni alyas Junior Tolentino ang mga shipments niya from one section to another section kasabwat ang mga kamote dyan sa bureau kapalit ng malaking halaga ng salapi.
Abangan.
- Latest



















