Huli na naman?
AYON kay Presidential Communication Operations Office Sec. Sonny Coloma, nahuhuli na, o siguro na naman, ang Pilipinas kumpara sa mga ka-miyembrong bansa sa ASEAN, partikular sa mga malalaking proyektong inprastraktura. Ito nga ang isang pintas mula sa ilang sektor sa administrasyon ni President Aquino, na mabagal ang pagpapatupad ng mga malalaking proyekto. Isang halimbawa ay ang pagsasaayos ng NAIA Terminal 1, na tila laging nasa listahan ng mga masasamang paliparan sa mundo. Tatlong taon na ang lumipas sa termino ni Aquino, pero tila wala pang malaking nagagawa sa NAIA-1 maliban sa mga kinakailangang pag-aayos ng mga sirang kagamitan o anyo. Kaya inamin ni Coloma na minamadali na ni Aquino ang mga malalaking proyekto, bago sana matapos ang kanyang termino sa 2016.
Paliwanag naman ni Coloma na lahat kasi ng mga malalaking proyekto ay dumadaan sa tamang proseso at malinis na bidding. Kung sa mga nakaraang adminisÂtrasyon ay tila mas mabilis magsimula o matapos ang mga proyekto, tiyak na mahal naman at maraming nakabulsa ng pondo. Sa matuwid na daang programa ni Aquino, hindi na puwede ang ganyang sistema. Hanggang ngayon pa nga ay nakakaungkat pa rin ng mga anomalyang nagsimula sa nakaraang administrasyon.
Pero ganun pa man, tatlong taon na rin ang nakaraan. Kaya ang tanong, may matapos naman kaya bago mag-2016? Gusto ko ring makita ang Pilipinas maging isang Singapore o Hong Kong sa ganda ng inprastraktura. Pati mga ibang bansa tulad ng Malaysia at Indonesia ay lamang na lamang sa atin pagdating diyan. Ano ba ang maipagmamalaki ng Pilipinas ngayon kundi mga flyover pa lang, na tinututulan pa rin ng ibang komunidad. Hindi pa maisaayos ang ating flood control hanggang ngayon, kaya sa tuwing umuulan ay bukod sa bumabaha, bumaÂbagal na rin ang takbo ng buhay at ekonomiya. Mga gusali at kagamitan ng mga pampublikong paaralan ay lumang-luma na, at tila wala pang planong ayusin man lang. Mga ospital ng gobÂyerno, naku. Ang napansin kong dumadami ay mga mall, na mula naman sa mga pribadong sektor. Sumusunod na rin yata ang mga casino.
Mabilis lumipas ang tatlong taon. Parang kailan lang, nakikinig tayo sa unang SONA ni Aquino at ngayon, pang-apat na SONA na niya. Sana nga ay mapabilis na ang mga proyekto, lalo na ang mga kaugnayan sa transportasyon, edukasyon at kalusugan.
Hindi magandang mabansagang “sick man of Asia†muli ang Pilipinas. Ngayong gumaganda na ang ekonoÂmiya, ngayon dapat ipakita sa mundo na tunay na umaÂangat na ang Pilipinas, sa lahat ng bagay.
- Latest

















