Edukasyon sa tag-ulan
TAG-ULAN ang pasukan. Ito ang isyu na inaangat ng ilang grupo at sektor sa DepEd, na kung bakit panahon ng tag-ulan ay kasabay ang pagsimula ng pasukan. Kapag pumasok na ang mga bagyo sa taong ito, kung hindi naman mahirapan ang mga mag-aaral dahil sa ulan, hangin, baha at trapik, ay mababawasan nang husto na naman ang mga araw nila sa paaralan. Katulad kahapon, sinuspinde ng Caloocan ang klase sa lahat ng pampublikong paaralan, dahil sa ulan. Wala namang bagyo, pero dahil bumuhos ang ulan sa bahagi ng siyudad na iyon, sinuspinde na ang klase. Ang kawawa ay mga mag-aaral.
Mabuti kung mabibigyan sila ng mga make-up na klase ng kani-kanilang paaralan. Pero ang ibig sabihin niyan ay overtime para sa mga guro, na kadalasan ay hindi na nga natatanggap kaagad ang kanilang sahod. Kaya hindi rin nabibigyan ng mga make-up na klase ang mga kawawang mag-aaral. At magtataka tayo kung bakit tila kulang ang kanilang edukasyon, kulang ang kanilang pinag-aralan sa eskwelahan, at dehado pagdating sa trabaho.
May panukala na gayahin ang ibang bansa, kung saan Setyembre ang simula ng pasukan, para palipasin na rin muna ang mga buwan ng matinding pag-ulan at bagyo. Pero marami rin ang tumutol. Una, mawawala ang tunay na “summer vacationâ€, kung saan nakakapagbiyahe kahit saan sa bansa dahil maganda ang panahon. Pangalawa, marami na ring bagyo ang pumapasok sa mga buwan ng Setyembre, Oktubre at Nobyembre. Ang Ondoy ay noong katapusan ng Setyembre tumama.
May kapangyarihan na ang mga lokal na pamahalaan na mag suspinde ng klase ayon sa pangangailangan. Katulad ng Caloocan, kung saan sinuspindi ang klase kahapon dahil sa ulan, pero hindi naman masyadong umulan sa bandang Pasig at Makati. Pati mga paaralan ay may pahintulot na ring magsuspinde ng klase kung kinakailangan, katulad ng UST. Hindi tulad noong araw na ang DepEd lang ang may kapangyarihan magsabi kung may pasok o wala. Hindi siguro magkakaroon sa ngayon ng desisyon sa panukala na sa Setyembre na gawin ang pagsimula ng pasukan. Kaya dating gawi na muna tayo. Ang gusto ko lang ay isipin din ang edukasyon ng mga bata. Alam kong masaya sila kapag walang pasok, ganundin naman ako noon, pero sila rin ang mahihirapan, at madedehado kapag sumabak na sa tunay na buhay. Edukasyon ang tanging paraan para maangat ang bansa sa kahirapan. Kapag may edukasyon, may mararating ang bawat Pilipino.
- Latest