Kalayaan, ipaglaban, ipagtanggol
SA aking palagay, mas may kahulugan at kahalagahan ang pagdiriwang ng ating kalayaan ngayong taong ito. Isangdaan at labinlimang taon na tayong malaya, pero ngayon, tila hindi nirerespeto ng ating mga kapitbahay na bansa ang kalayaan at teritoryo natin. Simula Abril 2012, panay ang pasok ng buong laya ang mga barkong pangisda, at kung anu-ano pang klaseng barko mula China. Isang insidente ang naganap sa karagatan ng Batanes kung saan isang mangingisdang Taiwanese ang nabaril at napatay ng tauhan ng Philippine Coast Guard. Kailan lang ay may nahuling barko ng China na may dalang mga pangolin. Nahuli sila sa loob ng karagatan ng Pilipinas. At noong isang linggo ay may barko na hinihinalang taga-Vietnam ang nakapasok na sa Tubbataha Reef na teritoryo natin.
Lahat ng insidenteng ito ay patunay na walang respeto at takot ang mga kapitbahay na bansa sa kakayanan ng ating hukbong sandatahan na protektahan ang ating teritoryo. Kahit mga karagatan na hindi pinagtatalunan na malinaw na pag-aari natin ay pinapasok na rin ng mga mangingisda at mandarambong ng kalikasan. Akalain mong sa Tubbataha Reef na nakita ang hinihinalang barkong Vietnamese, na nagwawagayway pa ng bandilang Pilipinas! Nasa gitna ng Palawan at Negros ang Tubbataha Reef pero pinapasok pa rin ito ng walang takot mahuli!
Naaalala ko na magbibigay ng ilang mabibilis na barko ang Japan sa atin, para magamit sa pagbantay ng ating karagatan. Kailangan na kailangan natin ang mga ito sa lalong madaling panahon. Ang barkong pangisda ng taga-Vietnam ay pinatay lamang ang kanilang ilaw nang habulin ng isa nating barko. Hindi na sila mahanap. Sa madaling salita, ilaw ng barko lang ang ating nasusundan? Kailangan ng mga mas modernong kagamitan para makita ang isang barko sa dagat, lalo na sa gabi.
Pinaghirapan natin ang ating kalayaan. Maaaring may magsabi riyan na hindi pa tayo tunay na malaya, dahil matindi pa ang kahirapan at iba pang mga problema. Malinaw na bukod sa isda, mayaman ang ating karagatan ng likas na kayamanan. Kaya takam na takam ang ating mga kapitbahay maangkin, o pumasok at magnakaw sa atin. Kailangan itong ipagtanggol. Bigkas nga ng ating pambansang awit, “Sa manlulupig, di ka pasisiilâ€.
- Latest