Mga mensahe mula sa resultang halalan
ISAGAWA na sana agad ng political parties ang inantala ng Comelec na source code review ng voting machines. Sa gan’un malalaman natin kung totoo nga ang mga resulta ng Halalan 2013, at malilinang ang mga leksiyon mula sa resulta. Sa ngayon pansamantala pa ang lahat:
• Bagamat hindi natupad ang nais niyang 12-0 ng Team P-Noy, nakamit pa rin ni Presidente Noynoy Aquino ang 9-3 victory. Mensahe ito ng suporta ng mamamayan sa administrasyon niya. Suklian sana ito ni P-Noy ng lalo pang sigasig na paglilinis ng katiwalian.
• Lamang ang kandidato na dinadala ng malaking koalisyon (Team P-Noy, United Nationalist Alliance) kaysa maliliit na partido o independent. Siyam ang senador na galing sa Team P-Noy, tatlo sa UNA.
• Kinikilatis ng botante ang pagkatao at kakayahan ng kandidato. Pero mahalaga rin ang sikat na apelyido, at ganda at limit ng campaign ads. Matindi rin ang endorsements: nina Presidente Aquino, VP Jejomar Binay, dating President Joseph Estrada, Kris Aquino, Iglesia ni Cristo, El Shaddai, Philippines for Jesus Movement, at ilang obispong Katoliko.
• Hindi kaya mahuli ng surveys lahat ng nais ng mamamayan. Pang-anim lang sa surveys si Grace Poe, pero sa botohan ay No. 1. Si Sonny Angara ay pang-12 lang sa surveys, pero pang-anim sa aktuwal.
• Balewala sa botante ang isyu ng political dynasties. Pito sa 12 hinalal na senador ay dynasts: Alan Cayetano, Chiz Escudero, Nancy Binay, Sonny Angara, Bam Aquino, Cynthia Villar, at JV Ejercito. May mga dynasts na nilaglag ng botante, pero sa ibang dahilan. At libu-libong dynasts ang ibinalik sa mga lokal na puwesto.
• Apat ang bagong halal na senadora -- Poe, Loren Legarda, Binay, Villar -- ikatlo ng Magic 12.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest