Kung walang source code, walang katiyakan ang bilang
MANANATILI bilang Comelec chief si Sixto Brillantes hanggang maka-Halalan 2013 nitong Mayo. At igigiÂit niya ang magulong precinct count optical scanners (PCOS) miski ba wala itong source code.
Inamin ni Brillantes na silakbo ng damdamin lang (kontra sa Korte Suprema) ang pag-aalboroto na magbibitiw sa puwesto. Siguro nga may karapatang mag-asal spoiled brat ang 73-anyos. Pero peligroso ang paggiit niya sa PCOS kasi maari ito mauwi sa failure of elections. Magkakagulo!
Hindi bale, aniya, na wala siyang maipapakita sa political parties at info-technologists na PCOS source code. Nag-aaway kasi ang kontratado na Comelec supplier na Smartmatic at ang Dominion na totoong may-ari ng software. Ayaw pahintulutan ng Dominion ang taga-certify na Systest Laboratories na isapubliko ang code. Kaya tulad nu’ng Halalan 2010, hindi masusunod ang utos sa 2008 Election Automation Law.
Ang source code ay human-readable commands para makilala ng PCOS ang tunay na balota, bilangin ang boto, at i-transmit ang tally. Kung walang source code, walang katiyakan na tama ang bilang ng boto.
Pero hinahamon ni Brillantes ang sinumang kritiko na maghabla kung ilegal ang ginagawa niya. Bakit daw tinanggap ng madla ang resulta nu’ng 2010 miski hindi rin naibigay ng Smartmatic ang source code noon, pero ngayon ay tinutuligsa siya? Tila sa katuwiran niya, kung ang babaing ginahasa ninuman nu’ng 2010 ay hindi umangal, e wala rin itong karapatang umangal kung gahasain niya ito muli ngayong 2013.
Nang hindi ibigay ng Smartmatic ang source code nu’ng 2010, nilabag nito ang batas at lease contract sa Comelec. Dapat pinagkaitan ito ng bayad noon. Pero binayaran ito ng P7.2 bilyon. Hindi lang ‘yon, binili pa ni Brillantes ang dating leased PCOS units sa dagdag na P1.8 bilyon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaÂga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondocÂ@gmail.com
- Latest