^

PSN Opinyon

Bistado ang pamemeke

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

KASO ito ni Mila at ng 10 niyang kapatid. Anak sila lahat ng mag-asawang Jay at Gina na rehistradong may-ari ng lupang may sukat na 3,643 metro kuwadrado at may titulo bilang 14202. Nailabas ang titulo noon pang Marso 8, 1972. Ang lupa ay isinangla ni Jay sa panganay niyang si Mila at asawa nitong si Paul.  Nabaril si Jay. Habang nasa ospital, kinausap niya ang 10 anak at sinabi ang dalawa niyang kahilingan. Una, ang bawiin ng mga anak ang lupang nakasangla kina Mila at Paul at pangalawa, huwag dalhin ang kanyang bangkay sa bahay ng huli.

Noong 1982, inalok ni Andres, isa sa mga anak at tagapagmana ni Jay, na tubusin kina Mila at Paul ang nakasanglang lupa. Ayaw pumayag ng mag-asawa dahil ginagamit daw nila ang lupa na pastulan ng mga baka. Noong Enero 1991, nadiskubre ng magkakapatid at ng ina nilang si Gina  na nailipat na nina Mila at Paul sa pa-ngalan nila ang lupa sa pamamagitan ng isang kasulatan ng bentahan na ginawa diumano noong Disyembre 7, 1970. Pirmado ito nina Jay at Gina. Kumuha ng kopya ng kasulatan ang mga naulila ni Jay at ipinasuri ito sa NBI.

Ayon sa NBI, peke ang pirma nina Jay at Gina. Kaya noong Abril 13, 1992, nagsampa ng reklamo ang mga anak ni Jay pati ang ina nilang si Gina upang mapawalambisa   ang kasulatan ng bentahan at upang mapakansela ang titulong inilabas sa pangalan nina Mila at Paul. Humihingi rin sila ng danyos, gastos sa abogado  pati ang pagpapati-       gil sa mag-asawa sa paggamit ng titulo (injunction).

Sa kanilang sagot, itinanggi ng mag-asawa na pineke nila ang titulo. Ayon sa kanila, parte ng lupa ay minana ni Jay mula sa kanyang mga magulang at hinati ng magkakapatid sa pamamagitan ng tinatawag na “extrajudicial partition”. Noon daw Disyembre 7, 1970, pinirmahan ni Jay ang kasulatan ng bentahan at kasama rin dito na pumirma ang nanay nilang si Gina. Matapos ang paglilitis, napatunayan ng mababang hukuman na talagang pineke ang kasulatan ng bentahan. Sinang-ayunan ng Court of Appeals (CA) ang desisyon.

Kinuwestiyon pa rin nina Mila at Paul ang desisyon ng mababang hukuman at CA. Sila na raw ang rehistradong may-ari ng lupa magmula pa noong 1970. Malinis nilang nakuha ang titulo at dapat silang ituring na “holder in good faith”. Ayon din sa kanila, hindi na dapat pinabayaan na makapagsampa ng kaso ang magkakapatid noong Abril 3, 1992 dahil paso na ang karapatan nila. Tama ba ang mag-asawa?

MALI. Upang maituring na ang isang may hawak ng titulo ay isang “holder in good faith and for value”, kailangan na hindi peke ang instrumento/kasulatan na gi-namit sa pagpapatitulo. Kung ang kasulatan ay pineke kahit pa kasama ang orihinal na titulong kopya ng may-ari ng lupa, hindi nawawala sa rehistradong may-ari ang karapatan sa titulo. Hindi rin nagkakaroon ng karapatan ang sinumang pinaglipatan o pinagbentahan ng pekeng titulo. Pinoprotektahan lang ng batas ang isang inosenteng bumili ng lupa kung legal itong nakuha mula sa rehistradong may-ari at hindi sa pamamagitan ng pamemeke ng kasulatan. Malinaw na hindi nilipat ng pekeng kasulatan ng bentahan ang legal na pagmamay-ari ng lupa kina Mila at Paul. Hindi sila makakapagtago sa legalidad ng titulong kanilang hawak. Dahil napatunayan na peke ang pirma ni Jay sa kasulatan ng bentahan, itinuturing sa ating batas (Article 1409 Civil Code) na hindi kailanman nagkabisa (void or inexistent) at peke lamang ang nasabing kasulatan. Ayon din sa ating batas (Article 1410 Civil Code), hindi kailanman nawawala ang karapatan sa paghahabol sa pagpapawalang-bisa sa ganitong uri ng kontrata. Permanente ito at kahit kailan ay hindi nareremedyuhan kahit pa baguhin o kahit pa ilang taon ang dumaan. (Spouses Bernales vs. Heirs of Julian Sambaan, etc. G.R. 163271, January 15, 2010).

AYON

CIVIL CODE

GINA

JAY

KASULATAN

LUPA

MILA

TITULO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with