KAHIT sa loob ng courtroom ay hindi ligtas ang mamamayan o kahit na ang mga abogado, jud-ges at prosecutors. Nakapagtataka na kung saan pa ginaganap ang paglilitis sa kaso na dapat ay ligtas ang sinuman ay kabaliktaran ang nangyayari. Sa courtroom pala magwawakas ang buhay ng ilang kawawang indibidwal. Sa nangyaring pamamaril sa Palace Hall of Justice sa Cebu City na tatlong tao ang napatay, maitatanong kung nabibigyan ba ng atensiyon ang security sa courtrooms sa buong bansa. O nagkakaroon lamang ng paghihigpit kapag mayroon nang nangyaring malagim sa loob ng korte. Ang nangyari sa Cebu court ay nagpapakita lamang na hindi na natuto sa mga nagdaang insidente ang mga awtoridad. Hindi na nila naalala na may mga nangyari nang hostage taking sa courtrooms kung saan naipasok pati ang granada.
Noong Marso 14, 2007 isang lalaki na nagnga-ngalang Al Bautista ang nanghostage ng apat na tao sa loob mismo ng Taguig City Hall of Justice. Pawang mga empleado ng korte at isang abogado ang hinostage ni Bautista. May dalang handgun at granada si Bautista. Napilitang barilin ng mga pulis si Bautista nang magpaputok ito ng baril. Nailigtas ang apat na hostages.
Naging palaisipan kung paano naipasok ni Bautista ang baril at granada sa loob. Nagalit ang noon ay Chief Justice Reynato Puno dahil sa maluwag na security na pinaiiral sa Taguig court. Inatasan niyang rebyuhin ang security measures sa loob ng mga korte sa buong bansa. Ayaw na niyang maulit ang nangyaring pangho-hostage. Nararapat daw na magkaroon ng mahigpit na pag-iinspeksiyon sa lahat ng mga papasok sa loob ng gusali ng korte.
Naulit nga ang nangyari sa Taguig. May nakapagpasok ng baril sa Cebu court. Isang Canadian na maraming kaso ang walang puknat na namaril. Tatlong tao ang napatay niya bago umano ito nagbaril sa sarili. Sa ibang report, napatay umano ng mga pulis ang Canadian nang papalabas na ito ng gusali.
Ang nakapagtataka ay kung paano naipasok ng Canadian ang kanyang dalawang baril. Tiyak na masyadong maluwag ang security. Hindi na nag-inspection ang mga guwardiya. Masyadong tiwala lalo pa at isang dayuhan ang papasok sa loob. Ang pagiging relax ng guwardiya ang naging dahilan ng madugong pagpatay.