Bakit hindi binantayan ang may masamang nakaraan?
SA kabila ng usapan sa mga batas hinggil sa baril at kung sino lang ang puwedeng bumili o magdala sa labas ng kanilang tahanan, may isa pang isyu na dapat bigyan ng pansin dahil na rin sa naganap na pamamaril sa Kawit, Cavite. Ito ay ang illegal drugs. Malinaw na isang adik si Ronald Bae, na pinatunayan na rin ng kanyang hiwalay na asawa at sa mga gamit pang droga na nakuha sa kanyang tahanan. May dating kaso na rin ng pamamaril at pangkakasangkot sa illegal drugs. Kaya ang tanong, kung may dating kaso ng pamamaril at paggamit ng illegal drugs, bakit hindi kinumpiska o hinanapan ng mga baril ng mga otoridad? Bakit hindi binantayan?
Ang baril na kanyang ginamit sa pamamaril ay “loose firearm†daw. Pero dahil sa kanyang mga nakaraang kaso, hindi ba dapat mas binantayan na siya ng mga pulis. Siguro dati lisensiyado ang baril niya, pero naging “loose†nung hindi na pinalisensyahan. Dapat pinuntahan na ng PNP at kinumpiska ang baril! Wala pa bang “Operation Katok†noon?
Walang argumento na ang pag-inom ng alak, at malamang paggamit ng illegal drugs ang naging dahilan ng pamamaril ni Bae. Ayon sa ilang kapitbahay, magdamag uminom si Bae bago niya pinagbabaril ang mga kapitÂbahay niya. Ito ‘yung mga senyales na dapat napansin para maalarma ang lahat. Pero walang pumansin, kaya natuloy ang madugong pangyayari. Ang namaril sa Amerika ng mga bata at guro sa isang paaralan, kilalang kakaiba ang ugali. Pero walang nabahala at pumansin, kaya natuloy ang pamamaril sa mga bata. Napakalungkot.
May mga tao na kailangan talagang bantayan kapag nasangkot sa krimen at paggamit ng illegal drugs. Hindi alam kung kailan mabubuwang, ika nga ng ilang kapitbahay. Kung nabantayan si Bae, at kinumpiska na ang kanyang mga baril, baka hindi naganap ang pagpatay sa siyam na tao, kasama ang ilang bata. Hindi talaga dapat nakakahawak ng baril ang isang kilalang adik sa droga. Ito ang dapat matukoy ng PNP, kung talagang may saysay ang kanilang sinasabing background check sa lahat ng gustong bumili ng baril. Kung hindi, magkakaroon na naman ng pamamaril!
- Latest