Bagong Taon 2013
NAPAGKUWENTUHAN namin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada at dating President Erap ang ulat ng mga susing ahensiya ng pamahalaan na magiging positibo ang takbo ng ekonomiya ng bansa ngayong 2013.
Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang Philippine economy ay patungo na sa full recovery mula sa naging matamlay na galaw nito sa maraming nagdaang taon.
Magsisilbi umanong pundasyon nito ang magandang 2012 performance ng bansa sa mga importanteng aspeto tulad ng naging mataas na 7.1 porsiyentong paglago ng gross domestic product (GDP), pag-unlad ng iba’t ibang sektor ng industriya at pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sinabi ng dalawang ahensiya na mas makikita ang epekto ng pag-unlad ng ekonomiya kapag dumami na ang nalilikhang trabaho, naging sapat na ang kita ng mamamayan para tustusan ang kanilang mga panga-ngailangan, lumawak na ang serbisyong panlipunan at kapag nakapag-iimpok na sila ng pera at nakapagpupundar ng negosyo.
Sinabi ni Jinggoy na kailangang asikasuhin ng pamahalaan ang paglalaan ng sapat na pondo at mga programa para sa edukasyon at occupation skills ng mga mamamayan, at sa pagpapalawak ng mga oportunidad sa lipunan para sa kanilang produktibidad.
Tiniyak naman na ibayo niyang ipupursige ang mga lehislasyong makatutulong sa ganitong larangan, laluna sa pamamagitan ng kanyang pinamumunuang Senate committee on labor, employment and human resources development at joint congressional oversight committee on labor and employment (COCLE).
Kasabay nito aniya ang pagsusulong niya ng iba’t iba pang mga hakbangin para sa pangkabuuang pag-unlad ng mga mamamayan at ng bansa.
Ang pamilya Estrada ay bumabati ng Mapayapa at Masaganang Bagong Taon sa lahat, kalakip ang aming panalangin na nawa’y makamit na ng bawat Pilipino ang inaasam na ganap na kaunlaran ng pamumuhay.
- Latest