^

PSN Opinyon

‘Si Baby Ruth at si Tootsie Roll’ (Unang bahagi)

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

MAY ‘close up’. May ‘full body’. Nakapostura ang ilan, mayroon ding parang lambat lang ang takip sa katawan. May bata, may ka-edaran at may matanda.

Ilan lang ito sa mga litratong dala ng isang misis sa aming tanggapan. Kasama ng mga ito ang isang ‘cassette tape’ at bulto ng mga ‘love letters’ at ‘cards’, galing sa iba’t-ibang babae para sa iisang lalake. Kay Senior Superintendent Rodolfo “Rudy” Tutaan, 64 taong gulang. “Toots” for short.

Kayamanan para kay Toots ang mga sulat na ito (nagpapaka macho) kaya naman itinago pa niya ito sa isang ‘double lock’ na attaché case. Ginagawa pang dantayan ng paa niya sa kama, ayon sa misis.

Ang misis na tinutukoy ay si Baby Ruth Tutaan o “Ruth”, 54 anyos. Hindi na kinabigla pa ni Ruth ang lihim ni Col.  Likas daw itong babaero.

Lets make… Uhmm, wow! I know you need me Tootsie. (Wag mo ng pigilan ilabas mo na). I’m around you if you… YES na YES na LOVE! (Remember this dialogue). I’m ready now I missed you! Gentle touch and romance. Oh yeah! – Faithfully yours, your woman, girl and friend C.L.E.

Isa lang ito sa mga mensaheng tumarak sa damdamin ng misis

“Wala ng natirang emosyon sa puso ko kundi galit!”matigas na sabi nito.

Isang dekada ang tanda ni Tootsie kay Ruth. Sa pangalan lang nila na ‘Baby Ruth’ at ‘Tootsie Roll’, mga ‘branded’ na ‘imported’ na tsokolate, iisipin mong isang matamis na relasyon ang kahihinatnan nilang dalawa.

Trese anyos pa lang nun ang babae. Nagkakilala sila ng umupa sa kanilang apartment sa Mandaluyong City ang pamilya Tutaan, taong 1969.  

Panganay si Toots sa limang magkakapatid. ‘Jeepney driver ‘siya sa umaga, Criminology student naman siya sa Philippine College of Criminology (PCCR) pagsapit ng gabi.

Kwento ni Ruth, anak ng Major ng Philippine Constabulary si Toots kaya naman ganun siya kapursigidong sundan ang yapak ng ama.

Simula ng tumira sa kanilang paupahan walang patid ng nanligaw si Toots sa kanya. Habang nagdodoktrina sila sa bahay kasama ang iba pang kapatid na Iglesia Ni Cristo (INC), siya namang bisita ng noo’y 23 anyos na si Toots bitbit ang hopia at dalandan.

“Gigising na lang ako, may tinapay at rose na binibigay ang yaya ko. Galing daw kay Toots,” pagbabalik tanaw ni Ruth.

Ayaw na ayaw ni Ruth kay Toots nun. “Matanda siya sa akin… payat, mahaba ang baba… parang babalu,” ani Ruth. Malayo raw sa tsinita-beauty niya nung araw.

Hindi tumigil si Toots sa pagporma sa dalaga. Pagkagaling sa eskwela, paparada na ang jeep nito at aabangan siya. Iiwasan siyang sakyan ni Ruth subalit susundan pa rin niya ito.

Lahat ng didikit at manliligaw sa dalaga, bugbog daw ang inabot kay Toots. Nang ‘di madala sa santong dasalan, pinaspas na umano ni Toots si Ruth.

Kwento ni Ruth, dumating sa puntong… isang gabi pinanik na lang siya nito sa kwarto.

“Tinakpan niya ang bibig ko, dun na niya ko pinuwersa,” ayon sa kanya.

Dito nagsimula ang lahat, nagpaulit-ulit ang kanilang pagtatalik. Isang buwan lang ang binilang buntis agad ang babae. Sa edad ng katorse kasal na siya.

Hindi man handang maging asawa’t ina, kinailangan iwan ni Ruth sa maagang edad ang pagiging nene. Tumira sila sa bahay ng ina sa Mandaluyong.

Una pa lang ‘di na daw maganda ang kanilang samahan. Madalas uminom si Toots. Nung minsan sinuntok daw siya nito habang siya’y buntis.

Sa takot na magsumbong si Ruth, lumayas ito sa bahay. Nanganak siya sa kanilang panganay na wala ito sa kanyang tabi.

Bumalik rin si Toots subalit bitbit niya ang balitang kailangan niyang huminto sa pag-aaral.

“Naawa sa kanya ang nanay ko kaya’t pinag-tapos siya sa Criminology at pinag-training,” pahayag ni Ruth.

Nakaraos siya, grumaduate at naging ganap na pulis.  Unti-unti na daw lumabas ang pagkapalekero ng mister.

Taong 1979, nang unang nahuli ni Ruth ang asawa at ang babae daw nitong si “Elma”. Isang umanong G.R.O sa Bocaue, Bulacan. Ginastusan daw niya ito papuntang Japan. Hindi nagtagal nagkaroon sila ng anak.

Nagpatunay sa kanilang naging relasyon ang sulat ni Toots sa babae, kasama sa mga nakalagay sa attaché case at cassette tape.

Hindi naman nagawang iwan ni Ruth ang asawa. Sa halip na manlamig, nasundan ng nasundan ang kanilang anak hanggang umabot ito ng apat.

Tumaas ng tumaas ang rango ni Toots, Sr. Supt. nang siya’y magretiro. Sa Philippine National Police (PNP) kapag ika’y nagretiro automatic na ika’y mapo-promote ng one rank higher kaya’t ang kanyang pension ay katumbas ng isang Chief Supt. o General. 

Naging Hepe rin siya ng ‘security’ ng INC, sa isang ministro.

Taong 1990, pumasok sa Law School si Toots. Sa University of the East.

Habang nag-aaral siya, dito naman niya nakilala ang ka-‘phone pal’ nitong si “Regie”. Ang secret caller ng asawa, na lalake ang pakilala sa kanya subalit babae umano rin pala niya.

Nakarelasyon rin umano ni Toots ang kaklaseng si “Analyn”. Madalas daw itong magpunta sa INC Compound kung saan sila nakatira. Nagkaroon din  siya ng anak dito, ayon kay Ruth.

Maliban kay Elma, Regie at Analyn meron ding kamag-anak ng may-ari ng sikat na chicharon ang naging karelasyon umano si Toots. Si alyas “C.L.E”.

Kwento ni Ruth, madalas din itong pumunta sa kanilang bahay.

“Lagi pa yang may dalang kandila. Pinagtitirik atang mamatay na ako. Para sila magsama ng mister ko!” wika ni Ruth.

Ilan lang sina Elma sa mga umano’y naging babae ni Toots. Iba’t ibang pangalan pa ng babae ang nakita niya sa mga sulat. May “Baby Liz” meron ding tawagang Dear at Loves. Hindi bumitiw si Ruth sa asawa sa kabila ng lahat ng ito.

Taong 2001, nag-uwi na lang ng tatlong buwang sanggol si Toots.

“Ma, ‘di na ako magloloko, Magbabago na ako. Basta alagaan natin ‘to. Sige na Ma,” pakiusap daw ng mister.

Ayon kay Toots, iniwan sa kanya ang sanggol ng isang babaeng sunod ng sunod sa kanya, nung madestino siya sa Quirino Province. Bagay na pinaghinalaan naman ni Ruth. Pakiramdam niya, anak din ito ni Toots sa iba…

ABANGAN ang karugtong ng seryeng ito sa BIYERNES. EKSLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)Ang aming numero 09213263166 (Aicel) /09198972854 (Monique) /09213784392 (Pauline). Tumawag sa 6387285 at 24/7 hotline 7104038.Address: 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Bukas kami Lunes-Biyernes.

Email address: [email protected]

vuukle comment

ELMA

LANG

LSQUO

RUTH

SIYA

TOOTS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with