Bro. Eddie for senator?
IN fairness sa mga least publicized political parties at kandidato, binibigyan natin ng puwang yun ibang marginalized at hindi ubrang makipagsabayan sa mga dambuhalang partido at kandidato na mas kilala.
Sa senatorial race sa papasok na taon, ang pambato sa pagka-senador ng Bangon Pilipinas ay ang 7th Day Adventist na si Israel Virgines.
Pinatakbo si Virgines di naman para talagang manalo (bagamat baka maghimala) kundi para manatiling lehitimo ang Bangon Pilipinas bilang Partido.
Hindi ko malilimutan si Dr. Virgines dahil siya ang naghugas ng aking paa sa seremonya ng paglulunsad ng Bangon nang kumandidato sa pagka-pangulo si Bro. Eddie Villanueva sa Luneta. Si Virgines ay kabilang sa senatorial ticket ni Bro. Eddie kasama din ang mga kaibigan natin sa mass media na sina Alex Tinsay at Kata Inocencio na bumubuo sa Media Pillar.
Hindi ko batid kung may mga pambatong lokal na opisyal ang Bangon sa darating na halalan at tanging si Virgines lang ang alam kong nakahabol sa filing ng certificate of candidacy sa Comelec sa pagka-senador.
Nang tumakbo sa pagka-pangulo si Bro. Eddie, marami ang nagsabing malabo siyang manalo. Dapat daw ay senador muna ang pinuntirya at mas malamang ang kanyang panalo lalo pa’t napakalawak na ng Jesus is Lord Church (JIL) na pinamumunuan niya bilang spiritual director.
Kahit ngayon ay marami ang nagtatanong kung bakit hindi tatakbong senador si Bro. Eddie sa 2013. Tingin ko, umasa siyang mapapabilang sa ticket ng Liberal Party ang anak niyang si Sec. Joel Villanueva ng TESDA, bagay na hindi naganap. Nabalitaan ko rin na hahabol siya sa huling araw ng filing ng certificate of candidacy pero nagbago ang kanyang isip sa last minute.
Ewan ko kung may scenario na magaganap pero kung mayroon man, posibleng ito ay ang biglang pag-atras ni Virgines para si Bro. Eddie ang maging substitute candidate. Palagay ko hindi malayong mangyari ito. Gaya nang nasabi ko, pinatakbo si Virgines sa pagka-senador para mapanatiling lehitimo bilang political party ang Bangon. Pero ang winning chance niya ay medyo malabo kumpara kung si Bro. Eddie ang tatakbo.
- Latest
















